Showing posts with label showbiz commentary. Show all posts
Showing posts with label showbiz commentary. Show all posts

Monday, September 3, 2007

Baka manliit sila kapag kanilang malalaman…


Nagsalita na ang Movie and Television Review Classification Board (MTRCB) hinggil sa patutsadahan sa pagitan nina Willie Revillame, game show host ng kontrobersiyal na Wowowee at Joey de Leon ng Eat Bulaga. Isyu ng pandaraya sa isang palaro ng Wowowee ang pinagsimulan ng lahat. Nagparinig si de Leon. Sumagot naman, nagpapaawa sa madla, si Revillame.

Ani Revillame, masyado siyang pinipersonal ni de Leon na iniidolo pa naman niya. Matatag naman ang paninindigan ni de Leon: magpaliwanag muna si Revillame bago siya gumawa ng eksena. Pinarunggitan pa ng una ang huli: “At sa susunod, matuto kang umiyak nang may luha.”

Napakasimplistiko ng naging tugon ni Consoliza Laguardia, hepe ng MTRCB sa isyu: itigil na ang awayan at bumalik na ang dalawang aktor sa kanilang trabaho: ang magpaligaya ng mga tao sa pamamagitan ng kanikanilang programa.

Iba ang sipat ng Diret to the Point sa isyu. Hindi ito simpleng isyu lamang ng pandaraya para maibigay ang papremyo sa madlang nagkakandarapa sa pagpila para makuha ang papremyong pangako ng mga palaro, hindi lamang ng mga programang Wowowee ng Dos at Eat Bulaga! ng Siyete. Isyu ito ng karalitaang dinaranas ng humigit-kumulang 50 milyong Pilipino at isyu rin ito ng kabulukan ng kasalukuyang sistemang lumalamon sa bawat isang katulad nina de Leon at Revillame na pumuposturang pag-asa ng masa, may tunay na malasakit, gayong sila man—sa kanilang mga sarili—nalalaman nilang sila rin mismo nagagamit ng mga uring mapagsamantala para linlangin at paasahin ang taumbayan sa wala.

Katulad nang naganap na trahedya noong Pebrero 2006 sa Ultra sa anibersaryo ng Wowowee na napakarami ang nasawi, araw-araw, dinaragdagan ng mga programa nina Revillame at de Leon ang trahedya na dinaranas ng masa sa pang-araw-araw na buhay nila. Dahil sila rin mismo ay binulag ng kanilang kawanggawa (diumano), hindi rin nila makita ang tunay na ugat ng karalitaan ng sambayanang Pilipino na humahanap kahit panandaliang aliw—tila opyong pampamanhid ng utak—sa sarikulay na palabas ng kanilang programa.

Dahil sa bulag nga, hindi rin naman sila makakilos nang malaya, tali rin ang kanilang paa at kamay, tila mga papet ng uring ganid at salanggapang, hindi rin nila mapakilos ang sarili para kilalanin ang ugat ng karalitaang iyon at gayundin naman, hindi rin nila maakay ang mga tao para palayain ang kanilang kaisipan at katauhan sa ilusyon ng pag-asang hatid ng game show at mga palabas na sumasakay sa tsubibo ng mga sintetikong saya at kaakuhan.

Kung nalalaman lamang nila Revillame at de Leon ang kanilang papel sa umiiral na kalakaran, baka sila man mismo—laiitin ang kanilang mga sarili at baka manliit sila sa pag-uusig ng mga taong natutong magsuri at umiwas sa pag-asang dulot ng ampaw na mga pangako ng kanilang programa.

Batu-bato sa langit, ang tamaan, huwag magagalit. Direct to the point lamang po tayo.

Friday, August 31, 2007

Ang pelikula bilang black propaganda

o
HALOS nawala na sa isip ko ang tungkol sa inilabas na video laban sa Kilusang Mayo Uno (KMU). Isang oras na mahigit ang pelikula at kinatatampukan nina Bembol Roco at Hero Bautista bilang pangunahing mga artista.

Napanood ko ang pelikula. Tunay na nakamamangha ang galing ng camera work, maging ang editing. Ang musika, talagang lapat na lapat. Makinis din ang pagkakagawa ng script. Isa lamang ang kahulugan nito: hindi basta-basta at sapat ang kaalaman sa produksiyon ang gumawa ng pelikula.

Umani ng pagbatikos mula sa progresibong mga kritiko at artista ang naturang pelikulang pinamagatan lamang “Welga.”

Katulad ng panahon ng mga Amerikano, muling nagagamit ang pelikula para ipalaganap ang takot sa militansiya, sa mga militante, at maging sa mga organisasyong masa (mass organizations). At dahil sa umiiral na ang batas kontra-terorismo—ang Human Security Act of 2007—tinitingnan ng mga progresibo na ang paglabas ng pelikula, una noong Pandaigdigang Pagdiriwang ng Araw ng Paggawa noong Mayo1 at ang ikalawa, noong panahon ng State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, ay bahagi ng malawakang kilusang propaganda para pasamain ang imahen ng mga militante at tandisang isangkot sila sa kilusang komunista sa bansa.

Ang masakit, ang pagbabansag sa isang organisasyon na “legal” na prente ng Communist Party of the Philippines ay nagdudulot nang malaking panganib sa mga kasapi at lider nito. Kunsabagay, napakadali namang tumakas at ituro ang akusasyon kung kanino kapag mayroon na namang bumulagtang lider-obrero buhat sa hanay ng KMU, o maging sa iba pang unyon at pederasyon ng mga manggagawa na may kritikal na paninindigan hinggil sa pambansa at lokal na mga isyu.

Ayon nga kay Soc Jose, kilalang direktor at makabayang kritiko, ang pinakamasamang propaganda ay ang paggamit ng pelikula bilang porma ng propaganda para pasamain ang isang grupo o isang tao. Kaya nga, nanawagan siya sa mga aktor at direktor na huwag nilang pabayaan ang sarili na, sa kalansing ng barya o tunog ng malulutong na salapi, ay mapabihag sila at maging kasangkapan ng maiitim ang budhi para pasamain ang imahen gaya ng militanteng KMU.

Ngunit ang pinakamasaklap, hindi rin naman yata nalalaman ng mga artistang nagsiganap na ang kanilang pagganap ay maari ring dumulo, matapos na maipalaganap ang masamang propaganda laban sa kilusang paggawa na pangunahin ding naging pokus ng mga pelikula nina Lino Brocka at Ishmael Bernal, sa pagpaslang sa mga lider unyon at mga kasapi nito na magreresulta naman sa lalo pang karalitaan ng kanilang pamilya.

Nakakalungkot na dahil sa salat din sa pagmamahal at pagpapahalaga ang industriya ng pelikula, nagagawa nitong payapos—gaya ng isang babaing nagpuputa para lamang makaraos at maibsan ang pagkalam ng sikmura, kahit ang kapalit nito ay ang unti-unting pagkaagnas ng kanyang moral at pagkatao—sa mga taong masama ang balak sa kapwa tao.

Hindi na nakapagtataka, dahil mismong ang may hawak din naman ng pelikula sa kasalukuyan, ay hindi naman talaga nagmamahal sa sining ng pelikula bilang sining, kundi isang produktong kumikita. Kahit pa ang kapalit nito, ang pagkalaspag ng mga artista, mga sumisilip sa kamera, at iba pang kakaning-itik na umaasa sa bawat rolyo ng pelikula para mabuhay.

Saan na nga kaya tayo patungo, Pilipinas kong mahal?

Wednesday, August 29, 2007

Dyornalismo ba ang panulatang pampelikula?

Naging panauhin tayo sa programa nina Ka Kit Lagare at Ricky Lee sa DWAD 1098 kHz AM Radio sa segment na inilaan nila para sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), ang Usapang Media ng NUJP sa DWAD, kamaikailan.

Maganda ang tema na tatalakayin at tunay na malapit sa aking puso at siguro, malapit din sa puso ng ating editor na si Boy Villasanta: ang tungkol sa entertainment journalism, kung kaya pumayag tayo na makipagbalitaktakan nang halos 45 minuto sa ating anchor na sina Ka Kit at Inday Espina-Varona ng NUJP.

Nagamit natin nang husto ang nalaman natin mula sa libro ni Boy Villasanta na “Exposé: Peryodismong Pampelikula sa Pilipinas” at maging ang karanasan natin bilang peryodista sa loob ng limang taon. Unang tanong nila sa atin kung talaga bang masasabing lehitimong pamamahayag ang entertainment reporting o ang movie journalism at maging ang totoong kalagayan ng mga kapatid natin sa hanapbuhay.

Walang gatol na sinabi nating oo, at narinig ng buong Pilipinas ang sagot na iyon—live. Entertainment press is real press. Lahat ng sangkap ng umiiral na press sa Pilipinas, nasa movie writing din. Marami nga lamang lumalabag minsan sa Code of Ethics for Journalists at lubhang nagiging personal ang atake sa mga artistang isinusulat nila. At marami rin ang nahihirati na magsulat ng mga istoryang narinig lamang sa tabi-tabi at hindi na inaalam kung totoo man iyon o hindi. Kasi nga, katuwiran ng ilan nating kasamahan, “reliable” o mapagtitiwalaan ang kanilang mga sources.

Naitanong din nila sa atin kung anu-ano nga ba ang problemang kinakaharap ng industriya. Ang sabi natin, batay sa obserbasyon, security of tenure at professionalization of the entertainment media practice ang dalawang pangunahing kinakaharap ng industriya ng panulang pampelikula, bukod pa siyempre sa monopolyo ng imprenta ng mga publikasyong pang-showbiz.

Wala kasi tayong mabalitaan na talagang pondo o kahit man lamang insurance na mapakikinabangan ng ating mga kasamahan kapag sila ay nagretiro o biglaang nagkasakit. Karaniwan na kasing mababalitaan nating artista o mga kaibigan lamang ang nagbibigay ng tulong pinansiyal sa ating mga kapatid sa hanapbuhay na nagkakasakit o lubhang naghihirap. Tingnan ninyo si Kuya Boy de Guia, namumuhay na lamang sa loob ng isang home for the aged.

May nagsasabing “gaga” si Boy de Guia dahil nalustay niya, sabi ng iba, sa walang kapararakan ang kanyang naipon noon nang kasikatan niya bilang movie press. Subalit, hindi lamang si Boy de Guia ang naghirap matapos ang karera nila bilang movie scribe. Marami sila. Karamihan, ayon, napipilitan muling tumipa ng makinilya para kumain nang tatlong beses isang araw kahit medyo hirap na.

Ipinayo nga ni Manay Inday (Varona) na dapat eh, magbigkis ang mga taga-showbiz press para lumikha ng isang organisasyong magtataguyod sa kanilang kapakanan. Nandiyan naman ang Philippine Movie Press Club (PMPC) subalit mukhang nalimutan na rin ng samahan (batu-bato sa langit, ang tamaan, huwag magagalit, ang pikon ay laging talo!) ang ginintuang layunin nito na gawing propesyonal ang praktika ng movie writing or entertainment journalism dito sa Pilipinas.

Nasabi ko tuloy na medyo mahirap na mabigkis ang mga movie press dahil may kanya-kanya rin silang interes, lalo na iyong nagsusulat na, nagpi-PR pa sa mga artista.

Pero sa aba namang palagay, kaya pa namang iahon mula sa pagkabalaho ang ating panulatang pampelikula.

Okay na Marimar si Marian Rivera; ang pagbabalik ng Pulis Pangkalawakan sa telebisyon


Hindi rin ako mapakali kapag hindi ko napapanood ang Mari Mar na pinagbibidahan ni Marian Rivera García at ni Dingdong Dantes. Talaga nga namang nabigyang-hustisya ng Filipina-Española actress na si Marian ang papel na ginampanan ng minahal din ng mga Pilipinong si Thalia (Ariadna Sodi Miranda).

Umiinit ang mga tagpo sa top-rating na soap opera na ito. Ang pagseselos ng matandang Santibañez na si Renato (Richard Gomez) sa batang Santibañez (Dingdong Dantes) dahil na rin sa kamalditahan ni Angelica (Katrina Halili).

Nakatutuwa ang paggampan ni Manilyn Reynes sa papel na Corazon, na madalas gayahin noon ni Michael V., na ang boses naman, ginamit para bigyang buhay ang karakter ng asong kaibigan ng lahat na si Fulgoso. Siyempre pa, si Perfecta (Mel Kimura) na kuhang-kuha ang timpla ng kanyang karakter.

Nakatitiyak tayong marami pang magaganap na makagpapagalit, makapagpapatawa, at makapagpapa-iyak sa ating lahat sa kuwento ng buhay ni Mari Mar.

***

Ipinakita na ang sneak preview ng Shaider, ang Pulis Pangkalawakan na kinalokohan ng mga bata at nasa early teens, because of Annie (Naomi Morinaga). Siyempre pa, iyong bidang lalaki na si Hiroshi Tsuburaya, na namatay sa kanser sa atay, ilang taon na rin ang nakararaan. Nasa 40 anyos siya nang pumanaw, samantalang si Naomi, matapos ang karera bilang mainstream star, naging paborito siyang aktres sa mga pelikulang XXX o porno sa Japan.

Kung hindi tayo nagkakamali, tayo ang unang nakapagpaputok ng isyu ng muling pagbuhay sa Japanese sci-fi action series na ito. Kaso nga lamang, hindi naman naisitsit sa atin ng ating impormante kung sinu-sino ang gaganap sa fantaseryeng ito ng Siyete.

Iniba ng Siyete ang titulo ng palabas. Mula sa tunay na pamagat nitong Shaider, naging Pulis Pangkalawakan (Descendants of Shaider). Pero, ayon sa mga source, hindi pa ito ang final title nito.

Sa press release na nakita natin somewhere, sinasabing kasama sa naturang palabas sina Dennis Trillo, Marky Cielo, at Raymart Santiago. Kasama rin diumano sa cast sina Diana Zubiri, ang anak ni Fernando Poe Jr. (S.L.N.), na si Lovi Poe, si Dion Ignacio, LJ Reyes, Iwa Moto, Arci Muñoz, Vaness del Moral, Aljur Abrenica, Kris Bernal na pawang produkto ng reality star search na Star Struck; Ian de Leon; Paolo Ballesteros; Karel Marquez; at si Jay Manalo ang gaganap na pangunahing kontrabida.

Sina Iwa, Arci, Vaness at LJ ang gaganap na mga Amazona o makakalaban din ng pangkat ni Shaider.

Si Dominic Zapata naman ang magiging direktor ng palabas.

***

May mga miron namang nananalangin na sana, huwag mabastardo o mababoy ang istorya ng palabas na minahal ng madla. Kasi naman, ayon sa ilang palamasid, nababoy nang husto ang mga original stories na Bakekang, Mga Mata ni Anghelita at Darna. Tsk-tsk-tsk! Napaka-bayolente naman ng reaksiyon ng miron! Kunsabagay, talagang gusto kasi nilang masaksihan ang makinis na istorya, kahit bahagyang binago, sa muling pagbuhay sa mga ganitong palabas.

Kung ako man, nagkaroon din ng pag-aalinlangan dahil karamihan sa mga palabas na buhat sa isang umiiral nang istorya ng Siyete (huwag naman sanang magalit ang iba), ay talaga namang nakakadismaya. Ang ipinamarali nilang maganda, ayun, parang Chiquito movie ang lumabas. Walang kuwenta, in other words.

Dapat na kung kukuhanin ang isang istorya para muling ipalabas, dapat na ang modipikasyon nito, gawin nang maingat para mapanatili ang lasa at tekstura ng istorya. Dapat na isaisip ng mga manunulat at maging ng direktor na hindi bobo at walang estetikal na pagpapahalaga ang kanilang manonood. Marami kasi ang nag-iisip ng ganyan. Sa totoo lamang, ang masa ang lumilikha ng kasaysayan ng lipunan kung kaya, dapat igalang ang kanilang huwisyo at hindi sila gawing parang robot na tatanggapin kung ano ang gusto ninyong ibigay at lulunukin kung ano ang gusto ninyong ipalamon sa kanila.

Tumataas ang kamulatan at umiigi ang panlasa ng masa. Ibigay naman natin ang kung ano dapat sa kanila. Dahil kapag masa ang nagpasya, kahit ang dambuhalang mga kompanya, kaya nilang palugihin at ibalik sa basura. (
Shaider played by Hiroshi Tsuburaya; in-set Naomi Morinaga as Annie, his partner and love interest)

Michelle, Ogie, at Regine

Hindi man natin napanood ang naging live phone patch kay Michelle van Eimeren, ang dating Ms. Australia at kalaunan, naging ginang at ina ng mga anak ni Ogie Alcasid, nalalaman natin na kahit papaano—sa itinakbo ng mga pangyayari—napakaraming pinagdaanang sakit ng loob ang dating beauty queen. Gayunman, gaya nang matandang kasabihan, napaghihilom din ng panahon ang mga sugat sa puso at kaluluwa.

Kasalukuyang nasa Australia na ngayon si Michelle kasama ang kanyang mga naging supling kay Ogie. Sa ika-40 na kaarawan ni Ogie, nabigyan ng pagkakataon na ibukas ni Michelle sa publiko ang tunay niyang nararamdaman ngayong sina Ogie at Regine Velasquez na ang nagmamahalan; maituturing na bahagi na lamang ng isang magandang kahapon si Ms. Australia na minahal din ng publiko dahil sa kanyang ganda, taglay na kabaitan, at ningning sa ilang pelikulang komedya na pinagtambalan nilang mag-asawa.


Sa phone patch, sinabi ni Michelle sa publiko na sa kabila ng lahat, itinuturing niyang kapamilya si Regine. Binigyang-diin ng dating kabiyak ni Ogie na kailangang tanggapin ng mga tao, ng publiko, ang kasalukuyang reyalidad na wala sila ni Ogie at ang matamis na pagmamahalan nila noon—tuluyan nang naglaho at ang kanilang naging mga pangako, gaya ng usok ay napawi na rin sa hangin.


"Siyempre, may nangyari between Ogie and myself, hindi puwedeng ayusin ‘yon, e. Pero naiintindihan ko naman na lahat ng mga tao, kailangan tanggap(in) ang (nagaganap sa) buhay nila, okay?” sabi ni Michelle, pagtukoy sa mapait na pinagdadaanan ng isang mag-asawang naghihiwalay ng landas.


Dala ng katutubong kabaitan at maluwag na pagtanggap sa mga nangyari sa relasyon nila ni Ogie, ipinakiusap ng magandang Australiana sa publiko na tanggapin si Regine bilang bagong pag-ibig ni Ogie, gaya rin naman ng naging pagtanggap sa kanya nang ibigin at maging bahagi rin siya ng buhay ni Ogie, mahigit isang dekada na rin ang nakararaan.


"For me, kung si Regine ang mahal niya [Ogie], ako rin tanggapin niya. Parang sister ko ‘yon [Regine], so please tanggapin mo siya. Huwag mo siyang bigyan ng hard time. Mabait ‘yon [Regine], mabait siya sa akin, sa mga anak ko. Pag dating siya dito [Australia], lagi kaming masaya," paliwanag ni Michelle, dama mo ang pangungumbinsi, pagmamahal at katapatan sa bawat inusal na salita. Dito, sa puntong ito, napaluha ang mang-aawit, ayon sa mga ulat na nakarating sa Direct to the Point.

Ayon naman kay Regine, hindi rin naman siya nagkulang kung sa pakikipag-usap din lamang sa dating kabiyak ng kanyang iniibig ngayon. Binigyang-diin ni Regine na nagkaroon sila ng magandang pag-uusap ng dating beauty queen at napanatili ang tamis ng kanilang pagkakaibigan, bagay na sinuhayan naman ng pahayag ni Michelle:

"Alam mo, Regine, habang may buhay ako, may breath ako, welcome ka dito sa buhay ko, sa family ko. Kasi ikaw ang family ko. Mahal ka namin... Si Sarah at si Leila, they love you very much din," ani Michelle. Sa puntong ito, muling napaluha ang bagong pagibig ng Batangueñong si Ogie Alcasid.

Sa totoo lamang, marami pa rin ang hindi tanggap ang pagmamahalang Ogie at Regine. Gayunman, bahagi ng reyalidad ng showbiz at buhay ng tao na, sa bawat kasaysayan ng pag-ibig, hindi lahat ay natatapos sa “And they lived happily ever after.” Dahil, hindi tulad ng pelikula, ang buhay pag-ibig ng isang artista, halimbawa, ay maaring makulapulan ng sari-saring dumi na ang iba, hindi na magawang malinis pa kung kaya—sa dakong huli—mauuwi rin sa pagbasura sa dating tila diyamanteng pag-iibigan.

Nakakahon ang ating paniniwala na ang kasal, dahil may basbas (kuno) ng Diyos ay hindi dapat basta-basta mapawawalambisa ng sinuman. Ibinatay ito sa naging pangungusap ni Hesukristo, ang Sugo at Bugtong na Anak ng Diyos, sa pagsasabing “Kung sinuman ang pinagsama ng Diyos ay hindi [dapat] paghiwalayin ng tao.” Ngunit, kaipala, masasabing ang mga pananalitang ito ay hindi lubusang maikakapit sa mag-asawa na napakasal lamang dahil sa matinding bugso lamang ng damdamin—ng libog halimbawa. Dahil sa bandang huli, kapag nawala na ang init ng loob, unti-unti ring natutunaw ang mga larawan ng maganda at matamis na pagsasamahan.

Kailangang tanggapin na nga ng publiko na nagpapatuloy ang buhay, sa panig nina Regine at Ogie, at maging kay Michelle na pinaniniwalaan nating maligaya na sa kanyang sariling bansa at bayan.
At ang payo lamang natin, hindi dapat natin tingnan ang buhay na parang isang script na kontrolado natin ang lahat. Sapagkat ang buhay, parang ilong na patungong dagat, maaring diretso lamang, magsanga, o masagkaan ng mga bato at maging ng mga hadlang na likha mismo ng marupok na katangian ng tao. (Photo courtesy of Pep.ph)

Walang masama kung sumakay si Cookie sa public trasport

Napanood ng buong Pilipinas at maging ng buong mundo ang makabagbag-damdaming panayam kay Bb. Snooky Serna na umamin na may pagkakataong kinakapos sa pera, nawalan ng tirahan at napilitang makisilong sa isang nagmagandang-loob na kapitbahay, at may pagkakataong nakaisip na tanggapin na lamang ang iniaalok ng ilang nagnanasa sa kanyang alindog.

Naging pinakatampok pa sa balita hinggil sa aktres ang kanyang pagsakay-sakay sa public transport o sasakyang pampubliko gaya ng bus, dyipni, pedicab at tricycle, at gayundin sa MRT.

Inamin din ni Cookie (palayaw ng aktres) na mayroon siyang isang uri ng psychological disorder at kailangan niyang sumailalim sa panghabambuhay na medikasyon. Nakadama man ng pagkaawa sa mga anak, naging matatag si Snooky at ngayon, muling bumabangon at gustong muling magbalik sa industriya na kanyang nakagisnan—ang showbiz.

Nagmamakaamo si Cookie na sana, tanggapin siyang muli ng dating mga kasamahan at kung sinuman ang kanyang nakasamaang loob dahil sa kanyang sakit, buong-puso siyang humihingi ng tawad. Sa kabilang banda, pinabulaanan naman niya ang bintang na ang nangungunang dahilan ng pagkawala ng kanyang naipong salapi noong siya ay sikat na sikat na artista pa ay ang kanyang inang si Mila del Sol. Sugarol kasi, aminin man at sa hindi, si La Mila at maraming salapi rin ang naitapon niya sa pagka-casino. Casino ang pangunahing sugal na kinahuhumalingan ng mga may-kaya at yaon talagang labis ang yaman.


Born-again Christian na si Cookie at labis-labis ang pasasalamat niya sa Panginoong Diyos dahil ginising siya sa kanyang pagkakahimbing. Napagtanto ng aktres na hindi niya kayang mag-isa at kailangan niya ang tulong at gabay ng Panginoong Maylikha ng Lahat para mapanuto ang kanyang landas. Makikita naman ang pagbabago kay Cookie. Sa panayam sa kanya ni Bb. Pia Guanio (na salamat naman, mahusay na nadala ang buong panayam at hindi sumabit gaya nang nangyari noong una), lagi ang pagbanggit niya sa pangalan ng Panginoon.


Talaga namang walang makalalampas sa karunungan at kabaitan ng Panginoong Diyos. Kailangan lamang nating dinggin ang Kanyang pagtawag at pagtuktok sa ating mga pinto. Pagbuksan natin Siya at buong galak siyang makikisalo sa ating Hapunan, alalaong baga, sa ating buhay.

Sa pag-amin ng aktres sa kanyang mga kahinaan at pagkakamali, natuwa naman si Ricardo Cepeda, ang dating kabiyak at nagtiyagang umalalay kay Cookie noong sila pa. Nabanggit nga pala ni Cookie ang tungkol sa naging epekto ng kanyang pagkakasakit sa relasyon nila ni Richard (palayaw ng aktor).

Taliwas sa ilang espikulasyon na walang nalalaman si Ricardo sa nangyayari sa kanyang dating asawa, sinabi nito na nasusubaybayan niya—buung-buo at damang-dama pa nga niya—ang nagaganap sa buhay ng kanyang kabiyak.


Hinggil sa pinalaking isyu ng pagsakay-sakay ni Snooky sa pedicab, dyipni, MRT at maging sa iba pang uri ng pampublikong transportasyon, sinabi ni Ricardo na wala namang masama roon. Dahil kung siya mismo ang tatanungin, gagamit din siya ng public transport kung nagkataon wala siyang sariling sasakyan.

Kung titingnan nga naman, wala namang masama sa pagsakay sa gayong uri ng mga sasakyan. Bagaman mga bituin sila sa pinilakang-tabing at telebisyon, mga tao pa rin naman sila at may karapatan naman silang sumakay sa mga pampublikong sasakyan kung kailan nila ibig. Dahil ang mga ito, para sa lahat, para sa balana. Hindi ba, may nagpayo nga mula sa gobyerno noong panahong talagang taas-baba ang presyo ng mga produktong petrolyo na sa halip gumamit ng sariling sasakyan eh, sumakay na lamang sa mga sasakyang pampubliko? Sa abang palagay, hindi na dapat ito ang naging tampok sa isyu hinggil sa buhay at pakikibaka ng aktres na si Snooky Serna.

"I admire her for doing that and it's her choice. Kung ako nga, kung choice kong mag-MRT, gagawin ko rin. It only means na she's just facing reality. Ito ang tunay na buhay, tapos na 'yung dati, e. Harapin na natin ang buhay ngayon,” sabi ni Ricardo sa isang interview niya sa isang online showbiz magazine.


Sa punto naman ng pagsuporta sa mag-iina, sinabi ni Ricardo na hindi naman siya nagkukulang lalung-lalo na sa kanyang dalawang anak na sina Samantha at Sachi. Maganda naman ang takbo ng pag-aaral ng dalawang bata at madalas naman niya itong nadadalaw. Kaya nga, ayon sa aktor, hindi sila nagkaroon ng kaso sa alinmang korte sa bansa para sa pangangalaga sa dalawang bata dahil maayos naman silang naasikaso ng kanilang ina.

Natuwa rin ang aktor sa balitang gusto na rin ni Snooky na magbalik-telebisyon at pelikula at, sa katunayan, may mga inaalok na rin sa kanyang mga proyekto na sa tingin ni Ricardo, magandang simula para sa kanyang asawa.


"Mahusay na artista si Cookie and sayang naman if it all goes to waste. I heard nga na may mga offers na sa kanya and that's good. Kahit naman hindi sa showbiz, sa corporate world naman may mga gustong kumuha kay Cookie.”

"Nasa kanya naman ‘yon kung susubukan niya at pagtitiyagaan niya. But I'm still here for her no matter what kasi we have kids at mahal namin ang mga bata," dagdag pa ni Ricardo.

Iza Calzado, pride of the Philippines

Mukhang sinusuwerte ngayon si Iza Calzado dahil bukod sa kanyang Hollywood stint bilang original cast ng “The Echo”, ang remake ng horror film ni Yam Laranas na “Sigaw” na pinagbidahan ng dating loveteam na sina Angel Locsin at Richard Gutierrez, makakapareha rin niya sa pelikula si Ken Zhou ng pamosong grupong F4 ng Taiwan.

Sa Batanes ang lokasyon ng pelikula kung kaya matapos ang kanyang shooting sa Hollywood , diretso na ang magandang aktres at commercial model na ngayon sa Batanes para damahin ang lugar. Nabasa na ni Ken at ni Iza ang script at ang aabangan na lamang, kung paano nila iaarte ang kani-kanilang karakter.

Love triangle ang drama ng naturang pelikula at sinasabing talagang makapagpapakilig sa mga manonood ang naturang pelikula.

Hindi lamang sa pelikula umaariba ang karera ni Iza sa aktres kundi maging sa telebisyon. Napakahusay ng kanyang pagganap bilang naghihiganting Lara sa Impostora na gumaganda na ngayon ang mga eksena.

Kabi-kabila rin ang kanyang commercial or advertisement sa telebisyon. Bukod sa isang brand ng alak, isang sikat na brand ng youghurt na likha ng isang malaking kompanya ng gatas at iba pang produkto ang kanyang iniendorso.
Sana ay magtuluy-tuloy ang suwerte ni Bb. Iza Calzado.

Monday, August 20, 2007

Kung bakit naghihingalo ang pelikulang Pinoy

Kumbaga sa pasyente, buto’t balat na ang industriya ng pelikulang Pilipino. Dapat sana, ang gobyerno ang sentrong pagamutang dapat nangangalaga dito. Pero tila ito pa ang pumapatay sa agaw-buhay.

Kadalasan, isinisisi sa pagdagsa ng pelikulang dayuhan at pamimirata ang unti-unting pagkamatay ng industriya ng pelikulang Pilipino. Ngunit ayon sa Film Academy of the Philippines (FAP), hindi ang mga ito, kundi ang patung-patong na buwis na ipinapataw sa pelikula, ang pangunahing salarin.

Sa tinaguriang “Gintong Panahon ng Pelikulang Pilipino” (bago ang 1996), hindi bumaba sa 250 pelikula ang nalilikha ng mga lokal na prodyuser taun-taon.

Ayon kay Leo Martinez, direktor-heneral ng FAP, simula nang ipataw ang sangkatutak na buwis, dumausdos nang husto ang bilang ng nalilikhang pelikula sa bansa. Ang pelikulang Pilipino ay nilamon na ng pelikulang dayuhan.

Buwis, buwis -- buwisit
Amusement tax ang buwis na ipinapataw sa bawat pisong benta ng tiket sa sinehan. Dalawampu't tatlong porsiyento ang napupunta sa lokal na gobyerno, samantalang ang 12% VAT (value-added tax) ay sa pambansang gobyerno. Iba pa ang mga buwis sa paggawa, pag-e-edit at pagsasalin ng pelikula sa format na maaaring ipalabas sa sinehan.

"Mas mabuti pa ang sugal eh, 10% lamang ang buwis," sabi ni Martinez sa pulong-balitaan ukol sa roadmapping o pagmamapa ng industriya ng pelikulang lokal.

"Dahil sa taas ng buwis, natatakot na ang mga gumagawa ng pelikula na magprodyus dahil kaunti lamang ang kinikita," sabi naman ni Carlitos Siguion-Reyna, isa sa mga opisyal ng Directors Guild of the Philippines, Inc. o DGPI. Sangkatlo lamang ng 100 pisong halaga ng tiket ang napupunta sa mga prodyuser. Kakarampot din ang napupuntang kita sa mga may-ari ng sinehan, sakaling mag-flop ang pelikula, ayon kay Siguion-Reyna.

"Ang totoo, tayo lamang ang may amusement tax na, may VAT pa na ipinapataw sa pelikula. Samantalang 90% ng mga bansa sa mundo na may batas ukol sa amusement tax ay hindi na nagpapataw ng VAT," aniya pa.

Dahil walang lokal na pelikula, napipilitan ang mga sinehan na umangkat sa ibang bansa. "Wala naman kasi kaming maipalabas na gawa dito," pag-amin ni Dominic Du, opisyal ng Cinema Bookers Group, organisasyong namamahala sa booking ng pelikula sa mga sinehan.

Sinasabi ng FDCP (Film Development Council of the Philippines) na may 40% na paglago sa kabuuang kita ng mga pelikulang lokal noong 2006 (mula P1.025 Bilyon noong 2005 tungong P1.437-B). Pero kapuna-punang hindi pa rin natumbasan ng bilang ng mga pelikulang Pilipino ang pelikulang dayuhan na ipinalabas sa nabanggit na taon.

Alisin ang mga pahirap
Mula 2005, nakatengga ang panukalang pababain ang buwis sa pelikula sa kabila ng pagkakahirang kay Vicente del Rosario Jr., may-ari ng Viva Entertainment, bilang Presidential Consultant on Entertainment Industry.

Sa ika-13 Kongreso, inihain ni Quezon Rep. Erin Tañada ang House Bill 4966, at nina Sen. Ramon "Bong" Revilla Jr., Jinggoy Estrada at Manuel Lapid ang Senate Bill 2158 na nag-aamyenda sa Local Government Code para tuluyang pawiin ang napakalaking buwis na ipinapataw sa pelikula.

Maaprubahan na sana ang batas pero sa hindi malamang dahilan, ayon kay Martinez, hinarang ito mismo ng FDCP. "Baka dahil bababa ang kita nila (ng gobyerno) mula sa buwis," aniya. Muling inihain ni Tañada ang panukalang batas sa ika-14 na Kongreso at umaasang maaaprubahan ito sa lalong madaling panahon.

Aminado naman sina Martinez, Siguion-Reyna at maging ang tagapangulo ng Independent Filmmakers Cooperative na si Emman dela Cruz, na puspusan ang kinakailangang pakikipag-usap sa lokal na mga opisyal ng gobyerno para kumbinsihin silang umayon sa panukalang batas.

Bukod sa buwis, anila, dapat ding lutasin ang kakapusan sa makinarya at kagamitan sa industriya ng pelikulang Pinoy para makaya nitong makipagsabayan sa mga pelikulang dayuhan.

Samantala, dahil milyun-milyong kita ng gobyerno ang nanganganib na mawala kung seryosong gagamutin ang naghihingalong industriya, pinaparalisa maging ang mga mapagkaibigang doktor na tumitingin sa pasyente. Kung sinuman ang kontrabida sa makabagbag-damdaming istorya ng pinilakang tabing sa Pilipinas, ito ang dapat mawala sa landas ng bida.

Thursday, August 9, 2007

Shaider bubuhayin din?

It's resurrection time. Parang mga patay na nabubuhay ngayon sa bakuran ng Siyete ang medyo nalimot nang mga palabas at mga istorya.

Nariyan ang "Kung Mahawi man ang Ulap", na isang pelikula; Lupin na isang Japanese anime na alam ko, ipinalabas din sa Siyete; Mga Mata ni Anghelita na drama sa radyo na isinapelikula noong araw; Marimar na ipinalalabas na ngayon, at heto nga, ayon sa ating source, Shaider naman daw ang muling ire-revive ng Siyete.

Kung matatandaan natin, ang Shaider ang palabas na kinalokohan ng mga kabataan noong huling bahagi ng dekada '80 hanggang maagang bahagi ng dekada '90, na kinatatampukan nina Alexis na siya ring Shaider at ang kanyang partner na si Annie. Naririyan ang mga kontrabidang sina Ida, Puma Ley-ar, at iba't ibang halimaw na iniitlog ni Puma Ley-ar sa kanyang bibig.

Wala tayong pagtutol sa pagbuhay ng mga istoryang matagal nang kinagiliwan ng madla. Ngunit wala na bang magawang bagong istorya ang creative department ng Siyete?

Kailangan ngayon ng madla ang mga palabas na makabuluhan at nagpapakita ng kanilang buhay at pakikibaka. Buhay at pakikibaka ba ang fantaseryeng Shaider? Imahinasyong Hapon ang pinaghalawan ng Shaider at sa abang palagay, hindi ito makatutulong para makilala ng Pilipino ang kanyang tunay na identidad na matagal nang pinalabo at pinalabnaw ng Kanluraning pag-iisip, paniniwala, at produkto.

Para sa akin, medyo off na ang walang kawawaang pagbuhay sa mga lumang istorya para panoorin ng masa.

Tuesday, August 7, 2007

Dingdong 'di bagay sa papel na Sergio?

MAY nakapagsabing hindi bagay na gumanap na Sergio Santibañez si Dingdong Dantes dahil sa medyo matapang ang mukha nito kumpara kay Eduardo Capetillo, ang unang gumanap na Sergio sa Mari Mar, ang kinahumalingang Mexican tele-novela noong dekada ’90. Halos gabi-gabi, sinubaybayan ng milyun-milyong Pilipino ang paghalakhak, pagluha, pang-aapi kay at paghihiganti ni Marimar, na binigyang-katauhan ni Thalia (Ariadna Sodi Miranda sa tunay na buhay).

Ayon sa nakausap nating miron, wala na raw kasing ibang mapiling medyo malaki-laki ang katawang artistang lalaki sa Siyete kung kaya, ipinagkaloob kay Dingdong Dantes ang pagganap. Nabanggit natin sa kanya na maari namang si Dennis Trillo ang gumanap subalit nasabi niyang hindi naman ganoong kalaki ang ‘kaha’ ng aktor para gumanap bilang Sergio.

Wala naman siyang masamang tinapay laban kay Dingdong, paglilinaw ng ating nakahuntahan gayunman, hindi talaga masasabing angkop sa kanya ang karakter ni Sergio. Iba kasi ang bukas ng mukha ni Eduardo Capetillo, pagpapaliwanag pa ng ating nakausap, kumpara kay Dingdong na medyo matapang—sa harap man o sa likod ng kamera.

“Mabait naman si Dingdong kasi madalas naman natin siyang makausap sa Siyete at nakakasalubong kaya lamang, medyo asiwa o hindi bagay sa kanya na mag-Sergio,” anang ating kausap.

Gayunman, pabor na pabor naman ang ating nakaututang-dila kay Marian Rivera dahil hindi naman nalalayo ang kagandahan at ang pagka-mestiza ng aktres kay Thalia. Bawas nga lamang ang pekas na pangunahing katangian ng balat ng isang Mexicana.

“Mahusay namang kumanta, sumayaw at umarte si Marianne,” sabi ng ating nakausap. Bukod pa roon, napag-usapan din namin ang isa sa mga paboritong karakter sa Mari Mar na si Corazon—ang matapat na tagapag-alaga ni Mari Mar.

Si Manilyn Reynes ang gaganap na Corazon samantalang ang boses naman ni Michael V., kung hindi tayo nagkakamali, ang ginamit para bigyang buhay ang popular na asong si Fulgoso. Ang paboritong linya ng asong kalaro ni Mari Mar, “Pambihira!”.

Agosto 13 na ang prime time telecast ng naturang palabas sa Siyete na nakatitiyak tayong gustung-gusto nang panoorin at subaybayan ng madla para makita ang pagkakahawig at pagkakaiba sa orihinal na palabas noon sa Nuwebe (RPN-9).

***

Nauuso ang revival o muling pagbuhay sa ilang mga palabas na nagustuhan noon ng madla. Sa Siyete man o sa Dos, pamilyar na mga istorya na bahagyang binago para umangkop sa panlasa ng kasalukuyang tipo ng mga manonood, ang mapanonood.

Nauusong muli ang “adaptation” o ang paghahalaw ng istorya mula sa umiiral nang palabas mula ibang bansa, programa sa radyo o kaya naman, nobelang naging serye sa komiks, pocketbook, o kaya naman sa peryodiko, para gawing teleplay o dulang pantelebisyon. Naririyan ang Lupin na hinalaw sa sikat na animé o kartun na mula sa bansang Hapon na may gayunding pamagat. May nagtatanong tuloy, “Nauubusan na ba ang ating mga manunulat pantelebisyon ng magagandang ideya kung kaya nanghihiram sa iba o kaya naman, binubuhay sa telebisyon ang dati nang istoryang naipalabas sa mga sinehan?”

***

Malaki talaga ang pangangailangan ng mga bagong dugo sa pagsasalaysay sa telebisyon, aminin man at sa hindi ng mga nasa industriya. Kailangan para mabigyan ang manonood ng bagong mga palabas na angkop sa kanilang panlasa at magbibigay sa kanila ng bagong mga aral na maikakapit nila sa kanikanilang buhay.

Gayunman, dapat na pag-ingatan ang sining ng pagkukuwento at paghalaw ng mga ideyang gustong gawing dulang pantelebisyon dahil baka maging opyo itong magpapamanhid at magpapatulog at/o magduduyan sa masa sa ilusyong laging maganda ang buhay, na madaling masugpo ng mabubuting puso ang kapanyayaan o kasamaang umiiral sa lipunang ito, at laging yumayaman o nagtatagumpay ang mahihirap dahil sa kanilang pagsisikap.

Sa abang palagay, dapat na pag-eksperimentuhan din ng mga manunulat ng dulang pantelebisyon—gaya ng ginagawa ngayon ng mga manggagawa ng pelikula—ang hilaw na materyal na iniaalok ng lipunang ito at sa halip na iprisintang tulad ng regalong may laso sa tuktok, gawing simple o payak ang paglalarawan nito at bigyang katuturan sa pamamagitan ng matamang pag-aanalisa sa ugat ng problema at kabulukan ng lipunan.

Monday, August 6, 2007

Editoryal

Kung totoo man ang nasabi ng ating source, makikita na talagang produkto ang tingin sa mga artista. Gaya ni Angel Locsin at iba pang batang artistang nasa kanilang kasikatan, sinasamantala ng ilan ang pagkinang ng kanilang pangalan para magkaroon ng maraming salapi.

Sa totoo lamang, sa analisis, bagaman sinasabing maraming kita ang naibubulsa ang mga artista, mas naniniwala akong doble-doble ang makukubra ng manager. Hindi rin naman natin sila masisisi dahil sa hirap ng buhay ngayon, talagang kapit-sa-patalim.

***
Isang siklong tila hindi matapus-tapos ang gamitan sa showbiz. Ginagamit ng malalaking network at kompanya ng pelikula ang mga artista at iba pang tauhan sa produksiyon. Ginagamit din ng mga managder ang mga artista para makaganansiya.

Habang nagpapakapagod ang mga kakaning-itik, nagpapakabuya naman at pakuya-kuyakoy na lamang sa kanilang malalamig na silid ang mga kapitalistang ang tanging puhunan, kaunting salapi, laway, at ang ilusyon ng masa ukol sa palabas at mga gumaganap ditong mga artista. Samantalang hindi naman nararamdaman – dahil pinamamanhid ng ilang dakot na milyon, magandang bahay at kotse – ang pagsasamantala sa mga bituin na halos kubain din naman para lamang kitain ang nakasaad sa kanilang kontrata (na kung tutuusin, karampot lamang sa bilyun-bilyong pisong kinikita ng network na pinaglilingkuran nila.).

***
Ang ugnayan ng artista at mga makapangyarihan sa showbiz, tila relasyong puta at bugaw. Puta ang mga artista, bugaw naman ang mga manager. Ang network at mga kompanya ng pelikula, sabon, shampoo at iba pang produkto at serbisyong gustong ikalakal sa madla, ang mga parukyano.

Ibubuyangyang ni manager ang alindog ni artista – mapuputing hita at hubog ng katawan ni babae samantalang ang kisig at tindig naman ni lalaki. Kapag nagustuhan, ikakasa ang pirmahan ng kontrata at pagpapasasaan ang katawan at kaluluwa – hindi man literal – ni artista. Lalamugin sa araw-gabing pagtatrabaho para sa gapiranggot na porsiyento ng kitang nagmumula sa mga produktong iniendorso ni artista at pelikulang ipinalalabas sa sinehan.

Kapag hindi na mabango, masabaw, at nakatatakam ang arte at pagmumukha ni artista—ieetsa-puwera. Hahanap ng iba. Katulad ng puta sa gilid-gilid ng Avenida, sa mga club diyan sa may Lungsod Quezon, Pasay, at Maynila, mawawalan ng parukyanong magpapasasa sa alindog ni artista. Mawawalan na rin siya ng karera at ng kita. Suwerte kung nakapag-ipon o kaya, talagang mayaman ang angkan nila. Dahil kung hindi, gaya nang ilang artistang nalaos na, darating ang panahon ng tagsalat at gutom. Ang dating among pinaglingkuran, hindi man lamang magawang lumingon at limusan ang isang dating “inaalok na produktong malinamnam.”

***
Talaga bang ganoon? Oo, mahal kong Jovy at iba pang bumabasa nito – talagang ganoon. Talaga bang kailangang laging ang mahirap, ang maralita, ang busabos ang maghihimaton? Totoo at hindi. Totoo dahil sila ang laging api – ang kakaning-itik, hindi lamang sa mundo ng showbiz kundi sa iba pang mga larangan ng buhay; hindi dahil sabi ng kritiko, makata at makabayang edukador na si E. San Juan, Jr.: Kung ikaw ay inaapi, bakit hindi ka magbalikwas? Kung ikaw ay tinatapakan, bakit hindi ka magbangon?