Mukhang talagang napakaepektibo ng pagganap ni Marian Rivera bilang Marimar dahil talagang todo ang suporta ng mga manonood sa kanilang dalawa ni Dingdong Dantes. Noong una, nakulapulan ng intriga ang pagtatambal nilang ito dahil may mga usap-usapang kung todo ang romansa ng dalawang artista sa kanilang teleseryeng “Mari Mar”, todo rin ang paglarga ng selos sa katawan ni Karylle, ang magandang anak ni Zsa-Zsa Padilla. Natatandaan natin na todo-tanggi naman sa isyu si Dingdong at sinabing maayos naman ang kanilang pagsasama ni Karylle sa kabila ng intrigang nagkakalabuan na silang dalawa.
***
Queen of Primetime TV ang taguri ngayon kay Marian Rivera. Totoo ngang nabigyang katuturan ni Marian, na isa ring Espanyola, ang karakter na pinasikat ni Ariadna Sodi Miranda o mas kilala bilang Thalia. Angkup na angkop para sa dalaga ang papel na inosente at lunod sa pagmamahal kay Sergio.
Nakakagulat din ang pagganap ni Nadine Samonte bilang Inocencia, ang pinsang-buo ng kontrabida sa buhay ni Mari Mar na si Angelica (na binuhay naman nang husto ng magandang si Katrina Halili). Epektibo ang paggganap ni Nadine sa isang probinsiyanang walang alam at dahil sa pangangailangan, kapit-sa-patalim na tumatalima sa kanyang pinsang si Angelica. Kung hindi kasi, maaring mamatay ang kanyang inang maysakit.
Nakakatuwa rin ang pagganap ni Manilyn Reynes sa pinakapaborito kong karakter sa Mari Mar na si Corazon. Lutang na lutang ang kanyang pagiging aktres at komedyana sa bawat galaw at pagsasalita niya bilang si Corazon. Medyo nabago lamang ang karakter ni Corazon dahil puntong-Cebu ang gamit ni Manilyn sa kanyang pagsasalita samantalang malaki at malalim ang boses na ginamit noon sa pagda-dub sa mga linya ni Corazon sa orihinal na Mari Mar series sa RPN 9.
Buhay na buhay din kina Caridad Sanchez at Leo Martinez ang pagkatao ng mga abuwelo ni Mari Mar. Nakakaaliw ang dalawang matanda. Napatunayan na talagang napakahusay ng dalawang artistang ito na maituturing nang haligi ng industriya ng pelikula at telebisyon.
***
Mukhang talagang napakaraming iniluluto ang Siyete para ihain sa kanilang mga manonood. Paulit-ulit na ang pag-eere ng mga teaser ng kanilang mga bagong programa at maging ang mga pagtatapos ng kanilang mga programang “Mga Mata ni Anghelita” at iba pa.
May bago ring mga game shows at reality TV shows na ihahain din ang Siyete na tiyak namang kagigiliwan ng mga Kapuso. Kabilang dito ang remake ng Shaider na naging Zaido; ang nobela sa komiks ni direk Carlo J. Caparas na “Kamandag” at Joaquin Bordado. Hindi na natin nahabol pa ang pangalan ng iba pang mga programang ihahain sa atin ng Kapuso network.
Gayunman, kapuna-puna ang reklamo ng ilan sa teleserye na “Mga Mata ni Anghelita” dahil lumilitaw na isa itong halu-halong kalamay na palabas. Halu-halong kalamay dahil lahat na lamang ng malignong maaring ilitaw at likhain sa isip, ipinasok sa teleserye. At lahat siyempre ito, gustong patayin o puksain si Anghelita na simbolo ng kabutihan.
Nakagugulat kasi na si Anghelita pala ay mula sa lahi ng mga puting mangkukulam na sa orihinal na kuwento yata ay wala. Biruin mo, si Celia Rodriguez ay Reyna ng mga Puting Mangkukulam at siya ang pangunahing nagtuturo ngayon kay Anghelita ng paggamit ng taglay niyang kapangyarihan na noong una, kaloob sa kanya ng Mahal na Birheng Maria! Mukhang malayo yata sa hinagap na ang isang miracle worker na pinagkalooban ng naging Ina ni Kristo dito sa lupa na si Maria ng Nazareth ng kapangyarihan para manggamot at ng mga mata para makakita ay talaga naman palang may kapangyarihan at nasa punto pa ito ng kung tawagin sa esoterikong agham ay “earth magick”. Nakakaloka talaga, sabi ng isang miron na nakausap natin na numero uno ring Kapuso.
Hay naku! Talaga nga namang napakalawak ng imahinasyon ng isip ng tao. Subalit sana man lamang, medyo bigyang hustisya ang paggamit ng imahinasyon na iyan dahil kapag lumabis, disilusyon na ‘yan, mga ineng at mga utoy!
Showing posts with label television shows. Show all posts
Showing posts with label television shows. Show all posts
Wednesday, September 5, 2007
Wednesday, August 29, 2007
Okay na Marimar si Marian Rivera; ang pagbabalik ng Pulis Pangkalawakan sa telebisyon

Hindi rin ako mapakali kapag hindi ko napapanood ang Mari Mar na pinagbibidahan ni Marian Rivera García at ni Dingdong Dantes. Talaga nga namang nabigyang-hustisya ng Filipina-Española actress na si Marian ang papel na ginampanan ng minahal din ng mga Pilipinong si Thalia (Ariadna Sodi Miranda).
Umiinit ang mga tagpo sa top-rating na soap opera na ito. Ang pagseselos ng matandang Santibañez na si Renato (Richard Gomez) sa batang Santibañez (Dingdong Dantes) dahil na rin sa kamalditahan ni Angelica (Katrina Halili).
Nakatutuwa ang paggampan ni Manilyn Reynes sa papel na Corazon, na madalas gayahin noon ni Michael V., na ang boses naman, ginamit para bigyang buhay ang karakter ng asong kaibigan ng lahat na si Fulgoso. Siyempre pa, si Perfecta (Mel Kimura) na kuhang-kuha ang timpla ng kanyang karakter.
Nakatitiyak tayong marami pang magaganap na makagpapagalit, makapagpapatawa, at makapagpapa-iyak sa ating lahat sa kuwento ng buhay ni Mari Mar.
***
Ipinakita na ang sneak preview ng Shaider, ang Pulis Pangkalawakan na kinalokohan ng mga bata at nasa early teens, because of Annie (Naomi Morinaga). Siyempre pa, iyong bidang lalaki na si Hiroshi Tsuburaya, na namatay sa kanser sa atay, ilang taon na rin ang nakararaan. Nasa 40 anyos siya nang pumanaw, samantalang si Naomi, matapos ang karera bilang mainstream star, naging paborito siyang aktres sa mga pelikulang XXX o porno sa Japan.
Kung hindi tayo nagkakamali, tayo ang unang nakapagpaputok ng isyu ng muling pagbuhay sa Japanese sci-fi action series na ito. Kaso nga lamang, hindi naman naisitsit sa atin ng ating impormante kung sinu-sino ang gaganap sa fantaseryeng ito ng Siyete.
Iniba ng Siyete ang titulo ng palabas. Mula sa tunay na pamagat nitong Shaider, naging Pulis Pangkalawakan (Descendants of Shaider). Pero, ayon sa mga source, hindi pa ito ang final title nito.
Sa press release na nakita natin somewhere, sinasabing kasama sa naturang palabas sina Dennis Trillo, Marky Cielo, at Raymart Santiago. Kasama rin diumano sa cast sina Diana Zubiri, ang anak ni Fernando Poe Jr. (S.L.N.), na si Lovi Poe, si Dion Ignacio, LJ Reyes, Iwa Moto, Arci Muñoz, Vaness del Moral, Aljur Abrenica, Kris Bernal na pawang produkto ng reality star search na Star Struck; Ian de Leon; Paolo Ballesteros; Karel Marquez; at si Jay Manalo ang gaganap na pangunahing kontrabida.
Sina Iwa, Arci, Vaness at LJ ang gaganap na mga Amazona o makakalaban din ng pangkat ni Shaider.
Si Dominic Zapata naman ang magiging direktor ng palabas.
***
May mga miron namang nananalangin na sana, huwag mabastardo o mababoy ang istorya ng palabas na minahal ng madla. Kasi naman, ayon sa ilang palamasid, nababoy nang husto ang mga original stories na Bakekang, Mga Mata ni Anghelita at Darna. Tsk-tsk-tsk! Napaka-bayolente naman ng reaksiyon ng miron! Kunsabagay, talagang gusto kasi nilang masaksihan ang makinis na istorya, kahit bahagyang binago, sa muling pagbuhay sa mga ganitong palabas.
Kung ako man, nagkaroon din ng pag-aalinlangan dahil karamihan sa mga palabas na buhat sa isang umiiral nang istorya ng Siyete (huwag naman sanang magalit ang iba), ay talaga namang nakakadismaya. Ang ipinamarali nilang maganda, ayun, parang Chiquito movie ang lumabas. Walang kuwenta, in other words.
Dapat na kung kukuhanin ang isang istorya para muling ipalabas, dapat na ang modipikasyon nito, gawin nang maingat para mapanatili ang lasa at tekstura ng istorya. Dapat na isaisip ng mga manunulat at maging ng direktor na hindi bobo at walang estetikal na pagpapahalaga ang kanilang manonood. Marami kasi ang nag-iisip ng ganyan. Sa totoo lamang, ang masa ang lumilikha ng kasaysayan ng lipunan kung kaya, dapat igalang ang kanilang huwisyo at hindi sila gawing parang robot na tatanggapin kung ano ang gusto ninyong ibigay at lulunukin kung ano ang gusto ninyong ipalamon sa kanila.
Tumataas ang kamulatan at umiigi ang panlasa ng masa. Ibigay naman natin ang kung ano dapat sa kanila. Dahil kapag masa ang nagpasya, kahit ang dambuhalang mga kompanya, kaya nilang palugihin at ibalik sa basura. (Shaider played by Hiroshi Tsuburaya; in-set Naomi Morinaga as Annie, his partner and love interest)
Thursday, August 9, 2007
Shaider bubuhayin din?
It's resurrection time. Parang mga patay na nabubuhay ngayon sa bakuran ng Siyete ang medyo nalimot nang mga palabas at mga istorya.
Nariyan ang "Kung Mahawi man ang Ulap", na isang pelikula; Lupin na isang Japanese anime na alam ko, ipinalabas din sa Siyete; Mga Mata ni Anghelita na drama sa radyo na isinapelikula noong araw; Marimar na ipinalalabas na ngayon, at heto nga, ayon sa ating source, Shaider naman daw ang muling ire-revive ng Siyete.
Kung matatandaan natin, ang Shaider ang palabas na kinalokohan ng mga kabataan noong huling bahagi ng dekada '80 hanggang maagang bahagi ng dekada '90, na kinatatampukan nina Alexis na siya ring Shaider at ang kanyang partner na si Annie. Naririyan ang mga kontrabidang sina Ida, Puma Ley-ar, at iba't ibang halimaw na iniitlog ni Puma Ley-ar sa kanyang bibig.
Wala tayong pagtutol sa pagbuhay ng mga istoryang matagal nang kinagiliwan ng madla. Ngunit wala na bang magawang bagong istorya ang creative department ng Siyete?
Kailangan ngayon ng madla ang mga palabas na makabuluhan at nagpapakita ng kanilang buhay at pakikibaka. Buhay at pakikibaka ba ang fantaseryeng Shaider? Imahinasyong Hapon ang pinaghalawan ng Shaider at sa abang palagay, hindi ito makatutulong para makilala ng Pilipino ang kanyang tunay na identidad na matagal nang pinalabo at pinalabnaw ng Kanluraning pag-iisip, paniniwala, at produkto.
Para sa akin, medyo off na ang walang kawawaang pagbuhay sa mga lumang istorya para panoorin ng masa.
Nariyan ang "Kung Mahawi man ang Ulap", na isang pelikula; Lupin na isang Japanese anime na alam ko, ipinalabas din sa Siyete; Mga Mata ni Anghelita na drama sa radyo na isinapelikula noong araw; Marimar na ipinalalabas na ngayon, at heto nga, ayon sa ating source, Shaider naman daw ang muling ire-revive ng Siyete.
Kung matatandaan natin, ang Shaider ang palabas na kinalokohan ng mga kabataan noong huling bahagi ng dekada '80 hanggang maagang bahagi ng dekada '90, na kinatatampukan nina Alexis na siya ring Shaider at ang kanyang partner na si Annie. Naririyan ang mga kontrabidang sina Ida, Puma Ley-ar, at iba't ibang halimaw na iniitlog ni Puma Ley-ar sa kanyang bibig.
Wala tayong pagtutol sa pagbuhay ng mga istoryang matagal nang kinagiliwan ng madla. Ngunit wala na bang magawang bagong istorya ang creative department ng Siyete?
Kailangan ngayon ng madla ang mga palabas na makabuluhan at nagpapakita ng kanilang buhay at pakikibaka. Buhay at pakikibaka ba ang fantaseryeng Shaider? Imahinasyong Hapon ang pinaghalawan ng Shaider at sa abang palagay, hindi ito makatutulong para makilala ng Pilipino ang kanyang tunay na identidad na matagal nang pinalabo at pinalabnaw ng Kanluraning pag-iisip, paniniwala, at produkto.
Para sa akin, medyo off na ang walang kawawaang pagbuhay sa mga lumang istorya para panoorin ng masa.
Subscribe to:
Posts (Atom)