Wednesday, August 29, 2007

Dyornalismo ba ang panulatang pampelikula?

Naging panauhin tayo sa programa nina Ka Kit Lagare at Ricky Lee sa DWAD 1098 kHz AM Radio sa segment na inilaan nila para sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), ang Usapang Media ng NUJP sa DWAD, kamaikailan.

Maganda ang tema na tatalakayin at tunay na malapit sa aking puso at siguro, malapit din sa puso ng ating editor na si Boy Villasanta: ang tungkol sa entertainment journalism, kung kaya pumayag tayo na makipagbalitaktakan nang halos 45 minuto sa ating anchor na sina Ka Kit at Inday Espina-Varona ng NUJP.

Nagamit natin nang husto ang nalaman natin mula sa libro ni Boy Villasanta na “Exposé: Peryodismong Pampelikula sa Pilipinas” at maging ang karanasan natin bilang peryodista sa loob ng limang taon. Unang tanong nila sa atin kung talaga bang masasabing lehitimong pamamahayag ang entertainment reporting o ang movie journalism at maging ang totoong kalagayan ng mga kapatid natin sa hanapbuhay.

Walang gatol na sinabi nating oo, at narinig ng buong Pilipinas ang sagot na iyon—live. Entertainment press is real press. Lahat ng sangkap ng umiiral na press sa Pilipinas, nasa movie writing din. Marami nga lamang lumalabag minsan sa Code of Ethics for Journalists at lubhang nagiging personal ang atake sa mga artistang isinusulat nila. At marami rin ang nahihirati na magsulat ng mga istoryang narinig lamang sa tabi-tabi at hindi na inaalam kung totoo man iyon o hindi. Kasi nga, katuwiran ng ilan nating kasamahan, “reliable” o mapagtitiwalaan ang kanilang mga sources.

Naitanong din nila sa atin kung anu-ano nga ba ang problemang kinakaharap ng industriya. Ang sabi natin, batay sa obserbasyon, security of tenure at professionalization of the entertainment media practice ang dalawang pangunahing kinakaharap ng industriya ng panulang pampelikula, bukod pa siyempre sa monopolyo ng imprenta ng mga publikasyong pang-showbiz.

Wala kasi tayong mabalitaan na talagang pondo o kahit man lamang insurance na mapakikinabangan ng ating mga kasamahan kapag sila ay nagretiro o biglaang nagkasakit. Karaniwan na kasing mababalitaan nating artista o mga kaibigan lamang ang nagbibigay ng tulong pinansiyal sa ating mga kapatid sa hanapbuhay na nagkakasakit o lubhang naghihirap. Tingnan ninyo si Kuya Boy de Guia, namumuhay na lamang sa loob ng isang home for the aged.

May nagsasabing “gaga” si Boy de Guia dahil nalustay niya, sabi ng iba, sa walang kapararakan ang kanyang naipon noon nang kasikatan niya bilang movie press. Subalit, hindi lamang si Boy de Guia ang naghirap matapos ang karera nila bilang movie scribe. Marami sila. Karamihan, ayon, napipilitan muling tumipa ng makinilya para kumain nang tatlong beses isang araw kahit medyo hirap na.

Ipinayo nga ni Manay Inday (Varona) na dapat eh, magbigkis ang mga taga-showbiz press para lumikha ng isang organisasyong magtataguyod sa kanilang kapakanan. Nandiyan naman ang Philippine Movie Press Club (PMPC) subalit mukhang nalimutan na rin ng samahan (batu-bato sa langit, ang tamaan, huwag magagalit, ang pikon ay laging talo!) ang ginintuang layunin nito na gawing propesyonal ang praktika ng movie writing or entertainment journalism dito sa Pilipinas.

Nasabi ko tuloy na medyo mahirap na mabigkis ang mga movie press dahil may kanya-kanya rin silang interes, lalo na iyong nagsusulat na, nagpi-PR pa sa mga artista.

Pero sa aba namang palagay, kaya pa namang iahon mula sa pagkabalaho ang ating panulatang pampelikula.

No comments: