Monday, August 6, 2007

Editoryal

Kung totoo man ang nasabi ng ating source, makikita na talagang produkto ang tingin sa mga artista. Gaya ni Angel Locsin at iba pang batang artistang nasa kanilang kasikatan, sinasamantala ng ilan ang pagkinang ng kanilang pangalan para magkaroon ng maraming salapi.

Sa totoo lamang, sa analisis, bagaman sinasabing maraming kita ang naibubulsa ang mga artista, mas naniniwala akong doble-doble ang makukubra ng manager. Hindi rin naman natin sila masisisi dahil sa hirap ng buhay ngayon, talagang kapit-sa-patalim.

***
Isang siklong tila hindi matapus-tapos ang gamitan sa showbiz. Ginagamit ng malalaking network at kompanya ng pelikula ang mga artista at iba pang tauhan sa produksiyon. Ginagamit din ng mga managder ang mga artista para makaganansiya.

Habang nagpapakapagod ang mga kakaning-itik, nagpapakabuya naman at pakuya-kuyakoy na lamang sa kanilang malalamig na silid ang mga kapitalistang ang tanging puhunan, kaunting salapi, laway, at ang ilusyon ng masa ukol sa palabas at mga gumaganap ditong mga artista. Samantalang hindi naman nararamdaman – dahil pinamamanhid ng ilang dakot na milyon, magandang bahay at kotse – ang pagsasamantala sa mga bituin na halos kubain din naman para lamang kitain ang nakasaad sa kanilang kontrata (na kung tutuusin, karampot lamang sa bilyun-bilyong pisong kinikita ng network na pinaglilingkuran nila.).

***
Ang ugnayan ng artista at mga makapangyarihan sa showbiz, tila relasyong puta at bugaw. Puta ang mga artista, bugaw naman ang mga manager. Ang network at mga kompanya ng pelikula, sabon, shampoo at iba pang produkto at serbisyong gustong ikalakal sa madla, ang mga parukyano.

Ibubuyangyang ni manager ang alindog ni artista – mapuputing hita at hubog ng katawan ni babae samantalang ang kisig at tindig naman ni lalaki. Kapag nagustuhan, ikakasa ang pirmahan ng kontrata at pagpapasasaan ang katawan at kaluluwa – hindi man literal – ni artista. Lalamugin sa araw-gabing pagtatrabaho para sa gapiranggot na porsiyento ng kitang nagmumula sa mga produktong iniendorso ni artista at pelikulang ipinalalabas sa sinehan.

Kapag hindi na mabango, masabaw, at nakatatakam ang arte at pagmumukha ni artista—ieetsa-puwera. Hahanap ng iba. Katulad ng puta sa gilid-gilid ng Avenida, sa mga club diyan sa may Lungsod Quezon, Pasay, at Maynila, mawawalan ng parukyanong magpapasasa sa alindog ni artista. Mawawalan na rin siya ng karera at ng kita. Suwerte kung nakapag-ipon o kaya, talagang mayaman ang angkan nila. Dahil kung hindi, gaya nang ilang artistang nalaos na, darating ang panahon ng tagsalat at gutom. Ang dating among pinaglingkuran, hindi man lamang magawang lumingon at limusan ang isang dating “inaalok na produktong malinamnam.”

***
Talaga bang ganoon? Oo, mahal kong Jovy at iba pang bumabasa nito – talagang ganoon. Talaga bang kailangang laging ang mahirap, ang maralita, ang busabos ang maghihimaton? Totoo at hindi. Totoo dahil sila ang laging api – ang kakaning-itik, hindi lamang sa mundo ng showbiz kundi sa iba pang mga larangan ng buhay; hindi dahil sabi ng kritiko, makata at makabayang edukador na si E. San Juan, Jr.: Kung ikaw ay inaapi, bakit hindi ka magbalikwas? Kung ikaw ay tinatapakan, bakit hindi ka magbangon?

No comments: