Showing posts with label latest news about culture. Show all posts
Showing posts with label latest news about culture. Show all posts

Monday, September 10, 2007

Kanino nga ba dapat maglingkod ang sektor pangkultura?

AYON sa dakilang lider Tsino na si Mao Zedong walang "sining na para sa sining lamang." Sa kanyang pamosong lektura sa probinsiya ng Yenan (mas kilala bilang Yenan Forum), mariin ang naging pagbatikos ni Mao sa aniya'y kulturang ipinalalaganap ng burgesya at panginoong maylupa; binubulok nito ang utak ng sambayanan at nililinlang para hindi mag-aklas at baguhin ang kanilang kalagayan.

Sa kaganapan ngayon sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), kanino nga ba talaga nakatalaga ang katapatan ng naturang komisyon: sa masa o sa mga nasa poder na mula sa kinamumuhiang uri (class) ng lider rebolusyonaryong si Mao at maging ng mga progresibo dito sa Pilipinas.

Hindi mahirap sagutin, sa punto-de-vista ng isang palasuri at matalas mag-isip, ang katanungang umuukilkil ngayon sa isip ng masa. Dalawa ang katauhan ni Gng. (Cecille) Alvarez ngayon: direktor ng ahensiyang dapat ay nakakiling sa pambansang interes at bilang tagapayo ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo sa usaping pangkultura.

Sa dinami-dami ng batikos na natatanggap ng pangulo mula sa iba't ibang sektor ng lipunang ito, hindi malayong makulapulan ng dumi ang mukha ng NCCA na pinamamahalaan ngayon ni Gng. Alvarez. Sana nga lamang, masagot niya ang mga akusasyon nang maayos at mapatunayan niyang siya ay para talaga sa masa at hindi lamang para kay Gng. Arroyo. Dahil sabi nga ni Mao Zedong, dapat sa masa maglingkod ang kultura.

Dapat panatilihin ang makamasang oryentasyon ng NCCA

Gaano katotoo na ginastos mismo ni Presidente ang pondo ng NCCA para sa kanyang mga kandidato noong eleksiyong 2007?

MATINDI ang batikos na natatanggap ngayon ni Cecille Guidote-Alvarez, ang direktor-ehekutibo ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) mula mismo sa mga alagad ng sining.

Sa isang imbitasyon na ipinadala sa atin ng mga kaibigan mula sa Concerned Artists of the Philippines (CAP), na nilagdaan ng secretary-general nitong si Director Soc Jose, binabatikos ng makabayang mga artista ang postura ngayon ng NCCA bilang instrumento ng administrasyon para magkamal ng pondo para sa mga alipores nito.

Ayon sa naturang liham, kailangang matanggal si Guidote-Alvarez bilang direktor ng NCCA dahil tanging ang interes lamang ng nasa poder ang pinaglilingkuran nito. Hindi malayo dahil si Guidote-Alvarez din ay naglilingkod bilang tagapayong pangkultura ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo.

Noon pa man, pinaghihinalaan na ang NCCA bilang isang "palamuting" ahensiya ng gobyerno. Nilikha ito hindi para itaguyod ang makabayan, siyentipiko, at maka-masang kultura bagkus, nagagamit pa ito para palaganapin ang burgis at dekadenteng kultura ng sistemang kapital.

Hindi pa natin nakakausap sina Director Jose, ni si Gng. Guidote-Alvarez pero sisikapin nating matalakay ito nang malaliman sa kolumn na ito...