Friday, August 31, 2007

Ang pelikula bilang black propaganda

o
HALOS nawala na sa isip ko ang tungkol sa inilabas na video laban sa Kilusang Mayo Uno (KMU). Isang oras na mahigit ang pelikula at kinatatampukan nina Bembol Roco at Hero Bautista bilang pangunahing mga artista.

Napanood ko ang pelikula. Tunay na nakamamangha ang galing ng camera work, maging ang editing. Ang musika, talagang lapat na lapat. Makinis din ang pagkakagawa ng script. Isa lamang ang kahulugan nito: hindi basta-basta at sapat ang kaalaman sa produksiyon ang gumawa ng pelikula.

Umani ng pagbatikos mula sa progresibong mga kritiko at artista ang naturang pelikulang pinamagatan lamang “Welga.”

Katulad ng panahon ng mga Amerikano, muling nagagamit ang pelikula para ipalaganap ang takot sa militansiya, sa mga militante, at maging sa mga organisasyong masa (mass organizations). At dahil sa umiiral na ang batas kontra-terorismo—ang Human Security Act of 2007—tinitingnan ng mga progresibo na ang paglabas ng pelikula, una noong Pandaigdigang Pagdiriwang ng Araw ng Paggawa noong Mayo1 at ang ikalawa, noong panahon ng State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, ay bahagi ng malawakang kilusang propaganda para pasamain ang imahen ng mga militante at tandisang isangkot sila sa kilusang komunista sa bansa.

Ang masakit, ang pagbabansag sa isang organisasyon na “legal” na prente ng Communist Party of the Philippines ay nagdudulot nang malaking panganib sa mga kasapi at lider nito. Kunsabagay, napakadali namang tumakas at ituro ang akusasyon kung kanino kapag mayroon na namang bumulagtang lider-obrero buhat sa hanay ng KMU, o maging sa iba pang unyon at pederasyon ng mga manggagawa na may kritikal na paninindigan hinggil sa pambansa at lokal na mga isyu.

Ayon nga kay Soc Jose, kilalang direktor at makabayang kritiko, ang pinakamasamang propaganda ay ang paggamit ng pelikula bilang porma ng propaganda para pasamain ang isang grupo o isang tao. Kaya nga, nanawagan siya sa mga aktor at direktor na huwag nilang pabayaan ang sarili na, sa kalansing ng barya o tunog ng malulutong na salapi, ay mapabihag sila at maging kasangkapan ng maiitim ang budhi para pasamain ang imahen gaya ng militanteng KMU.

Ngunit ang pinakamasaklap, hindi rin naman yata nalalaman ng mga artistang nagsiganap na ang kanilang pagganap ay maari ring dumulo, matapos na maipalaganap ang masamang propaganda laban sa kilusang paggawa na pangunahin ding naging pokus ng mga pelikula nina Lino Brocka at Ishmael Bernal, sa pagpaslang sa mga lider unyon at mga kasapi nito na magreresulta naman sa lalo pang karalitaan ng kanilang pamilya.

Nakakalungkot na dahil sa salat din sa pagmamahal at pagpapahalaga ang industriya ng pelikula, nagagawa nitong payapos—gaya ng isang babaing nagpuputa para lamang makaraos at maibsan ang pagkalam ng sikmura, kahit ang kapalit nito ay ang unti-unting pagkaagnas ng kanyang moral at pagkatao—sa mga taong masama ang balak sa kapwa tao.

Hindi na nakapagtataka, dahil mismong ang may hawak din naman ng pelikula sa kasalukuyan, ay hindi naman talaga nagmamahal sa sining ng pelikula bilang sining, kundi isang produktong kumikita. Kahit pa ang kapalit nito, ang pagkalaspag ng mga artista, mga sumisilip sa kamera, at iba pang kakaning-itik na umaasa sa bawat rolyo ng pelikula para mabuhay.

Saan na nga kaya tayo patungo, Pilipinas kong mahal?

No comments: