Monday, August 20, 2007

Kung bakit naghihingalo ang pelikulang Pinoy

Kumbaga sa pasyente, buto’t balat na ang industriya ng pelikulang Pilipino. Dapat sana, ang gobyerno ang sentrong pagamutang dapat nangangalaga dito. Pero tila ito pa ang pumapatay sa agaw-buhay.

Kadalasan, isinisisi sa pagdagsa ng pelikulang dayuhan at pamimirata ang unti-unting pagkamatay ng industriya ng pelikulang Pilipino. Ngunit ayon sa Film Academy of the Philippines (FAP), hindi ang mga ito, kundi ang patung-patong na buwis na ipinapataw sa pelikula, ang pangunahing salarin.

Sa tinaguriang “Gintong Panahon ng Pelikulang Pilipino” (bago ang 1996), hindi bumaba sa 250 pelikula ang nalilikha ng mga lokal na prodyuser taun-taon.

Ayon kay Leo Martinez, direktor-heneral ng FAP, simula nang ipataw ang sangkatutak na buwis, dumausdos nang husto ang bilang ng nalilikhang pelikula sa bansa. Ang pelikulang Pilipino ay nilamon na ng pelikulang dayuhan.

Buwis, buwis -- buwisit
Amusement tax ang buwis na ipinapataw sa bawat pisong benta ng tiket sa sinehan. Dalawampu't tatlong porsiyento ang napupunta sa lokal na gobyerno, samantalang ang 12% VAT (value-added tax) ay sa pambansang gobyerno. Iba pa ang mga buwis sa paggawa, pag-e-edit at pagsasalin ng pelikula sa format na maaaring ipalabas sa sinehan.

"Mas mabuti pa ang sugal eh, 10% lamang ang buwis," sabi ni Martinez sa pulong-balitaan ukol sa roadmapping o pagmamapa ng industriya ng pelikulang lokal.

"Dahil sa taas ng buwis, natatakot na ang mga gumagawa ng pelikula na magprodyus dahil kaunti lamang ang kinikita," sabi naman ni Carlitos Siguion-Reyna, isa sa mga opisyal ng Directors Guild of the Philippines, Inc. o DGPI. Sangkatlo lamang ng 100 pisong halaga ng tiket ang napupunta sa mga prodyuser. Kakarampot din ang napupuntang kita sa mga may-ari ng sinehan, sakaling mag-flop ang pelikula, ayon kay Siguion-Reyna.

"Ang totoo, tayo lamang ang may amusement tax na, may VAT pa na ipinapataw sa pelikula. Samantalang 90% ng mga bansa sa mundo na may batas ukol sa amusement tax ay hindi na nagpapataw ng VAT," aniya pa.

Dahil walang lokal na pelikula, napipilitan ang mga sinehan na umangkat sa ibang bansa. "Wala naman kasi kaming maipalabas na gawa dito," pag-amin ni Dominic Du, opisyal ng Cinema Bookers Group, organisasyong namamahala sa booking ng pelikula sa mga sinehan.

Sinasabi ng FDCP (Film Development Council of the Philippines) na may 40% na paglago sa kabuuang kita ng mga pelikulang lokal noong 2006 (mula P1.025 Bilyon noong 2005 tungong P1.437-B). Pero kapuna-punang hindi pa rin natumbasan ng bilang ng mga pelikulang Pilipino ang pelikulang dayuhan na ipinalabas sa nabanggit na taon.

Alisin ang mga pahirap
Mula 2005, nakatengga ang panukalang pababain ang buwis sa pelikula sa kabila ng pagkakahirang kay Vicente del Rosario Jr., may-ari ng Viva Entertainment, bilang Presidential Consultant on Entertainment Industry.

Sa ika-13 Kongreso, inihain ni Quezon Rep. Erin Tañada ang House Bill 4966, at nina Sen. Ramon "Bong" Revilla Jr., Jinggoy Estrada at Manuel Lapid ang Senate Bill 2158 na nag-aamyenda sa Local Government Code para tuluyang pawiin ang napakalaking buwis na ipinapataw sa pelikula.

Maaprubahan na sana ang batas pero sa hindi malamang dahilan, ayon kay Martinez, hinarang ito mismo ng FDCP. "Baka dahil bababa ang kita nila (ng gobyerno) mula sa buwis," aniya. Muling inihain ni Tañada ang panukalang batas sa ika-14 na Kongreso at umaasang maaaprubahan ito sa lalong madaling panahon.

Aminado naman sina Martinez, Siguion-Reyna at maging ang tagapangulo ng Independent Filmmakers Cooperative na si Emman dela Cruz, na puspusan ang kinakailangang pakikipag-usap sa lokal na mga opisyal ng gobyerno para kumbinsihin silang umayon sa panukalang batas.

Bukod sa buwis, anila, dapat ding lutasin ang kakapusan sa makinarya at kagamitan sa industriya ng pelikulang Pinoy para makaya nitong makipagsabayan sa mga pelikulang dayuhan.

Samantala, dahil milyun-milyong kita ng gobyerno ang nanganganib na mawala kung seryosong gagamutin ang naghihingalong industriya, pinaparalisa maging ang mga mapagkaibigang doktor na tumitingin sa pasyente. Kung sinuman ang kontrabida sa makabagbag-damdaming istorya ng pinilakang tabing sa Pilipinas, ito ang dapat mawala sa landas ng bida.

No comments: