Monday, September 3, 2007

Baka manliit sila kapag kanilang malalaman…


Nagsalita na ang Movie and Television Review Classification Board (MTRCB) hinggil sa patutsadahan sa pagitan nina Willie Revillame, game show host ng kontrobersiyal na Wowowee at Joey de Leon ng Eat Bulaga. Isyu ng pandaraya sa isang palaro ng Wowowee ang pinagsimulan ng lahat. Nagparinig si de Leon. Sumagot naman, nagpapaawa sa madla, si Revillame.

Ani Revillame, masyado siyang pinipersonal ni de Leon na iniidolo pa naman niya. Matatag naman ang paninindigan ni de Leon: magpaliwanag muna si Revillame bago siya gumawa ng eksena. Pinarunggitan pa ng una ang huli: “At sa susunod, matuto kang umiyak nang may luha.”

Napakasimplistiko ng naging tugon ni Consoliza Laguardia, hepe ng MTRCB sa isyu: itigil na ang awayan at bumalik na ang dalawang aktor sa kanilang trabaho: ang magpaligaya ng mga tao sa pamamagitan ng kanikanilang programa.

Iba ang sipat ng Diret to the Point sa isyu. Hindi ito simpleng isyu lamang ng pandaraya para maibigay ang papremyo sa madlang nagkakandarapa sa pagpila para makuha ang papremyong pangako ng mga palaro, hindi lamang ng mga programang Wowowee ng Dos at Eat Bulaga! ng Siyete. Isyu ito ng karalitaang dinaranas ng humigit-kumulang 50 milyong Pilipino at isyu rin ito ng kabulukan ng kasalukuyang sistemang lumalamon sa bawat isang katulad nina de Leon at Revillame na pumuposturang pag-asa ng masa, may tunay na malasakit, gayong sila man—sa kanilang mga sarili—nalalaman nilang sila rin mismo nagagamit ng mga uring mapagsamantala para linlangin at paasahin ang taumbayan sa wala.

Katulad nang naganap na trahedya noong Pebrero 2006 sa Ultra sa anibersaryo ng Wowowee na napakarami ang nasawi, araw-araw, dinaragdagan ng mga programa nina Revillame at de Leon ang trahedya na dinaranas ng masa sa pang-araw-araw na buhay nila. Dahil sila rin mismo ay binulag ng kanilang kawanggawa (diumano), hindi rin nila makita ang tunay na ugat ng karalitaan ng sambayanang Pilipino na humahanap kahit panandaliang aliw—tila opyong pampamanhid ng utak—sa sarikulay na palabas ng kanilang programa.

Dahil sa bulag nga, hindi rin naman sila makakilos nang malaya, tali rin ang kanilang paa at kamay, tila mga papet ng uring ganid at salanggapang, hindi rin nila mapakilos ang sarili para kilalanin ang ugat ng karalitaang iyon at gayundin naman, hindi rin nila maakay ang mga tao para palayain ang kanilang kaisipan at katauhan sa ilusyon ng pag-asang hatid ng game show at mga palabas na sumasakay sa tsubibo ng mga sintetikong saya at kaakuhan.

Kung nalalaman lamang nila Revillame at de Leon ang kanilang papel sa umiiral na kalakaran, baka sila man mismo—laiitin ang kanilang mga sarili at baka manliit sila sa pag-uusig ng mga taong natutong magsuri at umiwas sa pag-asang dulot ng ampaw na mga pangako ng kanilang programa.

Batu-bato sa langit, ang tamaan, huwag magagalit. Direct to the point lamang po tayo.

No comments: