Showing posts with label opinion. Show all posts
Showing posts with label opinion. Show all posts

Monday, September 10, 2007

Pavarotti's gone, Angel seems to be happy with ABS-CBN 2

I felt sad when I heard in the news that Luciano Pavarotti, our well-loved tenor has died in his hometown in Italy. He died at the age 72. Although he's gone, he will remain in us... forever.

***

Mukha namang masaya ngayon si Angel Locsin sa kanyang bagong tahanan sa ABS-CBN 2. I was watching the television in my favorite carinderia while eating my lunch. Maganda naman ang pagtanggap ng mga taga-Dos sa kanya. Dahil kung hindi, maaring nakarinig na tayo ng mga hindi magagandang balita mula sa ating bubuwit sa bakuran ng Dos.

***

Dahil tahimik na ang lahat, maalis na kaya ang duming naikulapol sa pangalan ni Angel. I am talking about that video na pinagpipistahan ngayon ng mga manyakis sa kanikanilang tahanan matapos na mabili ang DVD sa halagang P150 o baka nga mas mura pa.

Nag-react ang ating katotong si Teo Marasigan, isang komentarista, at sinabing talagang total demolition job ang ginamit ng Siyete para lamang ipakita ang galit ng mga bigwigs nito kay Angel dahil sa hindi nito pagre-renew ng kanyang kontrata.

Well, sana nga ay matapos na ang lahat. Pero iyon nga lang, the damage has been done. Kawawa naman ang artistang iyon na sinasabing Thai, na pinagpaparausan ngayon ng mga manyakis, hindi lamang dito sa Maynila kundi maging sa mga karatig probinsiya—sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Wednesday, August 29, 2007

Liham ng GABRIELA para kay Gabriela (Angel Locsin)

(Unang lumabas ito bilang liham sa patnugot sa isang investigative newspaper na pinagtatrabahuhan ko. Inihingi natin ng permiso para muling mailathala sa inyong paboritong pahayangan, ang Punto!)

Si Angel Locsin at ang mga sex video

Ang usapan sa midya kamakaylan tungkol sa pagkalat ng mga sex video ng isang babaeng hawig na hawig kay Angel Locsin ay dapat na ipagngalit ng madla, sa halip na maging debate lamang kung si Angel nga ba iyon o hindi.

Naaalarma kami sa pagkakauso ng mga sex video. Sa pagtatampok ng mga kamukha ng mga sikat na artistang babae, naaakit ng mga ito ang publiko, na nagpapakapal sa kita ng isang industriyang nabubuhay sa pagbebenta ng katawan ng babae.

Nakikiramay kami kay Angel na pininsala ng kontrobersiya. Isa siyang kilalang aktres na nagsisilbing modelo para sa maraming tagahanga, na kamakaylan ay nagpahayag ng pagtataguyod sa mga karapatan ng kababaihan. Ang kanyang pakikibaka para makahulagpos sa kontrobersiyang ito, na tinututukan ng midya, ay pakikibaka rin para bawiin ang kanyang pagkababae.

Gayundin, nakikiramay kami sa babaeng kahawig na Angel. Dahil doon, dumami ang mga usyoso sa kanyang video, na nagpalubha sa pagsasamantala sa kanya.

Ang industriya ng sex video ay nabubuhay sa pang-aabuso at pagsasamantala sa mga babae sa isang lipunan na patuloy na lumilibak at nagsasantabi sa kanila. Nagtataguyod ito ng – at tunay na kumikita sa -- pagpapatuloy ng isang kultura na aliw ang trato sa kababaihan, na sila ay hindi taong dapat igalang, kundi karaniwang produktong ginagamit kung naisin.

Ang paglaganap ng mga sex video ay dapat ipag-alala ng lahat, laluna ng mga institusyong panlipunan, gaya ng midya, na may mahalagang papel sa pagpapalaganap ng paggalang sa kababaihan.

Sapagkat sa huli, bawat isang may malasakit sa pagtataguyod ng makatwirang lugar ng kababaihan sa lipunan ay dapat na umako ng pananagutan sa ating paglaya mula sa kulturang lumilibak sa dignidad ng kababaihan.



(Sgd.) Lana Linaban
Pangalawang Pangkalahatang Kalihim, Gabriela
publicinfo@gabriela philippines.org


Monday, August 6, 2007

Editoryal

Kung totoo man ang nasabi ng ating source, makikita na talagang produkto ang tingin sa mga artista. Gaya ni Angel Locsin at iba pang batang artistang nasa kanilang kasikatan, sinasamantala ng ilan ang pagkinang ng kanilang pangalan para magkaroon ng maraming salapi.

Sa totoo lamang, sa analisis, bagaman sinasabing maraming kita ang naibubulsa ang mga artista, mas naniniwala akong doble-doble ang makukubra ng manager. Hindi rin naman natin sila masisisi dahil sa hirap ng buhay ngayon, talagang kapit-sa-patalim.

***
Isang siklong tila hindi matapus-tapos ang gamitan sa showbiz. Ginagamit ng malalaking network at kompanya ng pelikula ang mga artista at iba pang tauhan sa produksiyon. Ginagamit din ng mga managder ang mga artista para makaganansiya.

Habang nagpapakapagod ang mga kakaning-itik, nagpapakabuya naman at pakuya-kuyakoy na lamang sa kanilang malalamig na silid ang mga kapitalistang ang tanging puhunan, kaunting salapi, laway, at ang ilusyon ng masa ukol sa palabas at mga gumaganap ditong mga artista. Samantalang hindi naman nararamdaman – dahil pinamamanhid ng ilang dakot na milyon, magandang bahay at kotse – ang pagsasamantala sa mga bituin na halos kubain din naman para lamang kitain ang nakasaad sa kanilang kontrata (na kung tutuusin, karampot lamang sa bilyun-bilyong pisong kinikita ng network na pinaglilingkuran nila.).

***
Ang ugnayan ng artista at mga makapangyarihan sa showbiz, tila relasyong puta at bugaw. Puta ang mga artista, bugaw naman ang mga manager. Ang network at mga kompanya ng pelikula, sabon, shampoo at iba pang produkto at serbisyong gustong ikalakal sa madla, ang mga parukyano.

Ibubuyangyang ni manager ang alindog ni artista – mapuputing hita at hubog ng katawan ni babae samantalang ang kisig at tindig naman ni lalaki. Kapag nagustuhan, ikakasa ang pirmahan ng kontrata at pagpapasasaan ang katawan at kaluluwa – hindi man literal – ni artista. Lalamugin sa araw-gabing pagtatrabaho para sa gapiranggot na porsiyento ng kitang nagmumula sa mga produktong iniendorso ni artista at pelikulang ipinalalabas sa sinehan.

Kapag hindi na mabango, masabaw, at nakatatakam ang arte at pagmumukha ni artista—ieetsa-puwera. Hahanap ng iba. Katulad ng puta sa gilid-gilid ng Avenida, sa mga club diyan sa may Lungsod Quezon, Pasay, at Maynila, mawawalan ng parukyanong magpapasasa sa alindog ni artista. Mawawalan na rin siya ng karera at ng kita. Suwerte kung nakapag-ipon o kaya, talagang mayaman ang angkan nila. Dahil kung hindi, gaya nang ilang artistang nalaos na, darating ang panahon ng tagsalat at gutom. Ang dating among pinaglingkuran, hindi man lamang magawang lumingon at limusan ang isang dating “inaalok na produktong malinamnam.”

***
Talaga bang ganoon? Oo, mahal kong Jovy at iba pang bumabasa nito – talagang ganoon. Talaga bang kailangang laging ang mahirap, ang maralita, ang busabos ang maghihimaton? Totoo at hindi. Totoo dahil sila ang laging api – ang kakaning-itik, hindi lamang sa mundo ng showbiz kundi sa iba pang mga larangan ng buhay; hindi dahil sabi ng kritiko, makata at makabayang edukador na si E. San Juan, Jr.: Kung ikaw ay inaapi, bakit hindi ka magbalikwas? Kung ikaw ay tinatapakan, bakit hindi ka magbangon?