Showing posts with label latest news about show business. Show all posts
Showing posts with label latest news about show business. Show all posts

Tuesday, March 18, 2008

Swimming for success?

After her stint as Bella Aldama in the top-rating soap opera, Marimar, Ms. Marian Rivera is now preparing for her latest soap, "Dyesebel."

In her latest interview with her mother studio, GMA-7, Ms. Rivera is taking serious swimming lessons to achieve the gracefulness of a real mermaid.

Dyesebel, once run as a comic novella in Hiwaga (?), it became a big movie hit, as Alice Dixon made it come to life, in the late 80's. (Please do supply me with details on this...). Then, Ms. Charlene Gonzales-Muhlach, gave it an another life in the 90's.

Now that Dyesebel is all set, will it pave another success to Ms. Rivera? Wait and see.

Tuesday, March 4, 2008

Pagpupugay sa Kababaihan sa kanyang tanging araw


Nakita ko noong rally sa Ayala, Makati si Bibeth Orteza. Sayang nga lamang at hindi ko na nagawa pang kapanayamin ang isa sa pinakamagagaling na scriptwriter at komedyana sa bansa.

Hindi pa rin nagmamaliw ang kagandahan ni Bibeth, kahit na nakikipambuno siya ngayon sa sakit na kanser. Nananatili siyang matatag at lumalaban, hindi lamang para sa kapakanan ng kanyang kapuwa artista, kundi pati na rin sa kapakanan ng sambayanang Pilipino. Magugunitang nakulong pa si Bibeth dahil sa tinaguriang “Ayala Siege” ng karismatikong sundalong anti-Arroyo, sa pangunguna ni Sen. Sonny Trillanes.

Hindi ko malilimutan ang naging soundbite ni Bibeth nang kapanayamin siya sa radyo, telebisyon at peryodiko: “Kung mamamatay ka na rin lang, mamatay ka nang may silbi [sa bayan.” Nakakataba ng puso. Kitang-kita ang pagiging ina, tunay na alagad ng sining, at makabayan ni Bibeth na una nating nasilayan sa kuwelang-kuwelang “Iskul, Bukol.”

***

Hindi lamang naman si Bibeth, ang artistang babaing namumulat ngayon sa kalagayan ng lipunang kanyang ginagalawan. Ang kanyang biyenan, bagaman hindi kasali sa grupo ng kapita-pitagang kongresista ng Gabriela na sina Liza Maza at Luz Ilagan, si Armida “Tita Midz” Siguion-Reyna. Hindi lamang siya Reyna ng Kundiman sa Telebisyon, kilala rin siya ngayong kritiko ng kabulukan ng status quo.

Hindi alintana, makita man siyang nakatungkod. Basta, kung saan ang laban ng nakikibakang Pilipino at Pilipina, naroroon siya. Sayang nga lamang, at tila wala na sa telebisyon, ang paborito nating programang “Aawitan Kita”, na mas nauna pa kaysa sa MTV ngayon.

***

Bagaman dapa sa rating ang Lobo ni Angel Locsin, hindi naman dapa ang kanyang paninindigan bilang isang artistang mulat. Matatandaang sinuportahan niya noong eleksiyong 2007 ang Kabataan partylist, ang oposisyonistang si Atty. Koko Pimentel, at siyempre pa ang, ang grupong Gabriela.

Sa panayam sa kanya noon ng pahayagang ito, naging matining ang kanyang bagong prinsipyong pinanghahawakan—ang pagiging mulat. Bilang artista, nababatid ngayon ni Angel ang kahalagahan ng kanyang papel sa lipunan, bilang babae at bilang alagad ng sining.

Matatandaang nabitbit din niya noon sa pa-birthday sa kanya ng Gabriela si Valerie Concepcion, matalik niyang kaibigan sa showbiz, at sa larawan, naka-pin pa yata sila noon ng Gabriela. Nabalikan kaya si Valerie? Tinatawagan ang magigiting na organisador ng Gabriela! Hi-hi-hi!

***

Kung hindi tayo nagkakamali, taga-Gabriela rin ang komedyana at gurong si Malou De Guzman. Bibang-biba ang aleng ito. Nakatutuwa siya bilang artista. At mas lalong nakatutuwa siya dahil alam niya ang ginagampanang papel ng babae sa pagbabagong panlipunan.

Gayundin naman si Cherry Pie Picache, na napakahusay na artista. Si Plinky Recto kaya, kumusta na? Si Ruffa Gutierrez, may ugnay pa rin kaya ang Gabriela sa kanya? Nagtatanong lamang po.

***

Sabi ng rebolusyonaryong Rusong si V. I. Lenin, para tuluyang lumaya ang lipunan, dapat na mapalaya rin ang kababaihan na isa sa pinakapuntirya ng mapagsamantalang sistema. Ngayong Marso 8, sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, binabati natin ang lahat ng babae—artista man o hindi—partikular yaong namumulat ngayon sa kanyang marawal na kalagayan bilang tao, isang maligayang pagbati mula sa inyong beloved Senyor Tsikador: Maligayang Araw ng Kababaihan sa inyong lahat!

Monday, December 17, 2007

Paalam, Alas


Hindi ko masyadong matandaan ang mga pelikula ni Alas (Ace Vergel).

Pero alam ko na malaking kawalan sa industriya ang pagyao ni Alas noong Sabado, Disyembre 15.

Nagdadalamhati ngayon si Beverly Vergel, ang nakababatang kapatid ng aktor. Sa isinulat na kolum ni katotong Boy Villasanta, sinabi niyang hindi mapigilan ni Beverly na lumuha nang lumuha.

Higit na masakit kasi kapag namatayan ka sa panahong sasapit ang Pasko - isang okasyong dapat ang lahat, masaya.

Pero ganoon talaga ang buhay. Gaya nang pelikula, magwawakas din ang istorya (kahit pa may sequel). Sa bandang huli, ang mababasa ng manonood, ang closing credits. Tanda na natapos na ang istoryang sinubaybayan ng manonood.

Gayundin ang nangyari kay Ace. Noong Sabado nagsara ang telon para sa kanya. Sa closing credit, naroroon ang paggunita ng mga nakakaalala at nagmamahal kay Ace. Kabilang na ang industriya ng pelikulang naging pangalawa niyang tahanan.

Paalam, Alas!

Monday, September 10, 2007

Pavarotti's gone, Angel seems to be happy with ABS-CBN 2

I felt sad when I heard in the news that Luciano Pavarotti, our well-loved tenor has died in his hometown in Italy. He died at the age 72. Although he's gone, he will remain in us... forever.

***

Mukha namang masaya ngayon si Angel Locsin sa kanyang bagong tahanan sa ABS-CBN 2. I was watching the television in my favorite carinderia while eating my lunch. Maganda naman ang pagtanggap ng mga taga-Dos sa kanya. Dahil kung hindi, maaring nakarinig na tayo ng mga hindi magagandang balita mula sa ating bubuwit sa bakuran ng Dos.

***

Dahil tahimik na ang lahat, maalis na kaya ang duming naikulapol sa pangalan ni Angel. I am talking about that video na pinagpipistahan ngayon ng mga manyakis sa kanikanilang tahanan matapos na mabili ang DVD sa halagang P150 o baka nga mas mura pa.

Nag-react ang ating katotong si Teo Marasigan, isang komentarista, at sinabing talagang total demolition job ang ginamit ng Siyete para lamang ipakita ang galit ng mga bigwigs nito kay Angel dahil sa hindi nito pagre-renew ng kanyang kontrata.

Well, sana nga ay matapos na ang lahat. Pero iyon nga lang, the damage has been done. Kawawa naman ang artistang iyon na sinasabing Thai, na pinagpaparausan ngayon ng mga manyakis, hindi lamang dito sa Maynila kundi maging sa mga karatig probinsiya—sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Wednesday, September 5, 2007

Marian reyna na ng primetime

Mukhang talagang napakaepektibo ng pagganap ni Marian Rivera bilang Marimar dahil talagang todo ang suporta ng mga manonood sa kanilang dalawa ni Dingdong Dantes. Noong una, nakulapulan ng intriga ang pagtatambal nilang ito dahil may mga usap-usapang kung todo ang romansa ng dalawang artista sa kanilang teleseryeng “Mari Mar”, todo rin ang paglarga ng selos sa katawan ni Karylle, ang magandang anak ni Zsa-Zsa Padilla. Natatandaan natin na todo-tanggi naman sa isyu si Dingdong at sinabing maayos naman ang kanilang pagsasama ni Karylle sa kabila ng intrigang nagkakalabuan na silang dalawa.

***
Queen of Primetime TV ang taguri ngayon kay Marian Rivera. Totoo ngang nabigyang katuturan ni Marian, na isa ring Espanyola, ang karakter na pinasikat ni Ariadna Sodi Miranda o mas kilala bilang Thalia. Angkup na angkop para sa dalaga ang papel na inosente at lunod sa pagmamahal kay Sergio.

Nakakagulat din ang pagganap ni Nadine Samonte bilang Inocencia, ang pinsang-buo ng kontrabida sa buhay ni Mari Mar na si Angelica (na binuhay naman nang husto ng magandang si Katrina Halili). Epektibo ang paggganap ni Nadine sa isang probinsiyanang walang alam at dahil sa pangangailangan, kapit-sa-patalim na tumatalima sa kanyang pinsang si Angelica. Kung hindi kasi, maaring mamatay ang kanyang inang maysakit.

Nakakatuwa rin ang pagganap ni Manilyn Reynes sa pinakapaborito kong karakter sa Mari Mar na si Corazon. Lutang na lutang ang kanyang pagiging aktres at komedyana sa bawat galaw at pagsasalita niya bilang si Corazon. Medyo nabago lamang ang karakter ni Corazon dahil puntong-Cebu ang gamit ni Manilyn sa kanyang pagsasalita samantalang malaki at malalim ang boses na ginamit noon sa pagda-dub sa mga linya ni Corazon sa orihinal na Mari Mar series sa RPN 9.

Buhay na buhay din kina Caridad Sanchez at Leo Martinez ang pagkatao ng mga abuwelo ni Mari Mar. Nakakaaliw ang dalawang matanda. Napatunayan na talagang napakahusay ng dalawang artistang ito na maituturing nang haligi ng industriya ng pelikula at telebisyon.

***
Mukhang talagang napakaraming iniluluto ang Siyete para ihain sa kanilang mga manonood. Paulit-ulit na ang pag-eere ng mga teaser ng kanilang mga bagong programa at maging ang mga pagtatapos ng kanilang mga programang “Mga Mata ni Anghelita” at iba pa.

May bago ring mga game shows at reality TV shows na ihahain din ang Siyete na tiyak namang kagigiliwan ng mga Kapuso. Kabilang dito ang remake ng Shaider na naging Zaido; ang nobela sa komiks ni direk Carlo J. Caparas na “Kamandag” at Joaquin Bordado. Hindi na natin nahabol pa ang pangalan ng iba pang mga programang ihahain sa atin ng Kapuso network.

Gayunman, kapuna-puna ang reklamo ng ilan sa teleserye na “Mga Mata ni Anghelita” dahil lumilitaw na isa itong halu-halong kalamay na palabas. Halu-halong kalamay dahil lahat na lamang ng malignong maaring ilitaw at likhain sa isip, ipinasok sa teleserye. At lahat siyempre ito, gustong patayin o puksain si Anghelita na simbolo ng kabutihan.

Nakagugulat kasi na si Anghelita pala ay mula sa lahi ng mga puting mangkukulam na sa orihinal na kuwento yata ay wala. Biruin mo, si Celia Rodriguez ay Reyna ng mga Puting Mangkukulam at siya ang pangunahing nagtuturo ngayon kay Anghelita ng paggamit ng taglay niyang kapangyarihan na noong una, kaloob sa kanya ng Mahal na Birheng Maria! Mukhang malayo yata sa hinagap na ang isang miracle worker na pinagkalooban ng naging Ina ni Kristo dito sa lupa na si Maria ng Nazareth ng kapangyarihan para manggamot at ng mga mata para makakita ay talaga naman palang may kapangyarihan at nasa punto pa ito ng kung tawagin sa esoterikong agham ay “earth magick”. Nakakaloka talaga, sabi ng isang miron na nakausap natin na numero uno ring Kapuso.

Hay naku! Talaga nga namang napakalawak ng imahinasyon ng isip ng tao. Subalit sana man lamang, medyo bigyang hustisya ang paggamit ng imahinasyon na iyan dahil kapag lumabis, disilusyon na ‘yan, mga ineng at mga utoy!

Monday, September 3, 2007

Baka manliit sila kapag kanilang malalaman…


Nagsalita na ang Movie and Television Review Classification Board (MTRCB) hinggil sa patutsadahan sa pagitan nina Willie Revillame, game show host ng kontrobersiyal na Wowowee at Joey de Leon ng Eat Bulaga. Isyu ng pandaraya sa isang palaro ng Wowowee ang pinagsimulan ng lahat. Nagparinig si de Leon. Sumagot naman, nagpapaawa sa madla, si Revillame.

Ani Revillame, masyado siyang pinipersonal ni de Leon na iniidolo pa naman niya. Matatag naman ang paninindigan ni de Leon: magpaliwanag muna si Revillame bago siya gumawa ng eksena. Pinarunggitan pa ng una ang huli: “At sa susunod, matuto kang umiyak nang may luha.”

Napakasimplistiko ng naging tugon ni Consoliza Laguardia, hepe ng MTRCB sa isyu: itigil na ang awayan at bumalik na ang dalawang aktor sa kanilang trabaho: ang magpaligaya ng mga tao sa pamamagitan ng kanikanilang programa.

Iba ang sipat ng Diret to the Point sa isyu. Hindi ito simpleng isyu lamang ng pandaraya para maibigay ang papremyo sa madlang nagkakandarapa sa pagpila para makuha ang papremyong pangako ng mga palaro, hindi lamang ng mga programang Wowowee ng Dos at Eat Bulaga! ng Siyete. Isyu ito ng karalitaang dinaranas ng humigit-kumulang 50 milyong Pilipino at isyu rin ito ng kabulukan ng kasalukuyang sistemang lumalamon sa bawat isang katulad nina de Leon at Revillame na pumuposturang pag-asa ng masa, may tunay na malasakit, gayong sila man—sa kanilang mga sarili—nalalaman nilang sila rin mismo nagagamit ng mga uring mapagsamantala para linlangin at paasahin ang taumbayan sa wala.

Katulad nang naganap na trahedya noong Pebrero 2006 sa Ultra sa anibersaryo ng Wowowee na napakarami ang nasawi, araw-araw, dinaragdagan ng mga programa nina Revillame at de Leon ang trahedya na dinaranas ng masa sa pang-araw-araw na buhay nila. Dahil sila rin mismo ay binulag ng kanilang kawanggawa (diumano), hindi rin nila makita ang tunay na ugat ng karalitaan ng sambayanang Pilipino na humahanap kahit panandaliang aliw—tila opyong pampamanhid ng utak—sa sarikulay na palabas ng kanilang programa.

Dahil sa bulag nga, hindi rin naman sila makakilos nang malaya, tali rin ang kanilang paa at kamay, tila mga papet ng uring ganid at salanggapang, hindi rin nila mapakilos ang sarili para kilalanin ang ugat ng karalitaang iyon at gayundin naman, hindi rin nila maakay ang mga tao para palayain ang kanilang kaisipan at katauhan sa ilusyon ng pag-asang hatid ng game show at mga palabas na sumasakay sa tsubibo ng mga sintetikong saya at kaakuhan.

Kung nalalaman lamang nila Revillame at de Leon ang kanilang papel sa umiiral na kalakaran, baka sila man mismo—laiitin ang kanilang mga sarili at baka manliit sila sa pag-uusig ng mga taong natutong magsuri at umiwas sa pag-asang dulot ng ampaw na mga pangako ng kanilang programa.

Batu-bato sa langit, ang tamaan, huwag magagalit. Direct to the point lamang po tayo.

Friday, August 31, 2007

Ang pelikula bilang black propaganda

o
HALOS nawala na sa isip ko ang tungkol sa inilabas na video laban sa Kilusang Mayo Uno (KMU). Isang oras na mahigit ang pelikula at kinatatampukan nina Bembol Roco at Hero Bautista bilang pangunahing mga artista.

Napanood ko ang pelikula. Tunay na nakamamangha ang galing ng camera work, maging ang editing. Ang musika, talagang lapat na lapat. Makinis din ang pagkakagawa ng script. Isa lamang ang kahulugan nito: hindi basta-basta at sapat ang kaalaman sa produksiyon ang gumawa ng pelikula.

Umani ng pagbatikos mula sa progresibong mga kritiko at artista ang naturang pelikulang pinamagatan lamang “Welga.”

Katulad ng panahon ng mga Amerikano, muling nagagamit ang pelikula para ipalaganap ang takot sa militansiya, sa mga militante, at maging sa mga organisasyong masa (mass organizations). At dahil sa umiiral na ang batas kontra-terorismo—ang Human Security Act of 2007—tinitingnan ng mga progresibo na ang paglabas ng pelikula, una noong Pandaigdigang Pagdiriwang ng Araw ng Paggawa noong Mayo1 at ang ikalawa, noong panahon ng State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, ay bahagi ng malawakang kilusang propaganda para pasamain ang imahen ng mga militante at tandisang isangkot sila sa kilusang komunista sa bansa.

Ang masakit, ang pagbabansag sa isang organisasyon na “legal” na prente ng Communist Party of the Philippines ay nagdudulot nang malaking panganib sa mga kasapi at lider nito. Kunsabagay, napakadali namang tumakas at ituro ang akusasyon kung kanino kapag mayroon na namang bumulagtang lider-obrero buhat sa hanay ng KMU, o maging sa iba pang unyon at pederasyon ng mga manggagawa na may kritikal na paninindigan hinggil sa pambansa at lokal na mga isyu.

Ayon nga kay Soc Jose, kilalang direktor at makabayang kritiko, ang pinakamasamang propaganda ay ang paggamit ng pelikula bilang porma ng propaganda para pasamain ang isang grupo o isang tao. Kaya nga, nanawagan siya sa mga aktor at direktor na huwag nilang pabayaan ang sarili na, sa kalansing ng barya o tunog ng malulutong na salapi, ay mapabihag sila at maging kasangkapan ng maiitim ang budhi para pasamain ang imahen gaya ng militanteng KMU.

Ngunit ang pinakamasaklap, hindi rin naman yata nalalaman ng mga artistang nagsiganap na ang kanilang pagganap ay maari ring dumulo, matapos na maipalaganap ang masamang propaganda laban sa kilusang paggawa na pangunahin ding naging pokus ng mga pelikula nina Lino Brocka at Ishmael Bernal, sa pagpaslang sa mga lider unyon at mga kasapi nito na magreresulta naman sa lalo pang karalitaan ng kanilang pamilya.

Nakakalungkot na dahil sa salat din sa pagmamahal at pagpapahalaga ang industriya ng pelikula, nagagawa nitong payapos—gaya ng isang babaing nagpuputa para lamang makaraos at maibsan ang pagkalam ng sikmura, kahit ang kapalit nito ay ang unti-unting pagkaagnas ng kanyang moral at pagkatao—sa mga taong masama ang balak sa kapwa tao.

Hindi na nakapagtataka, dahil mismong ang may hawak din naman ng pelikula sa kasalukuyan, ay hindi naman talaga nagmamahal sa sining ng pelikula bilang sining, kundi isang produktong kumikita. Kahit pa ang kapalit nito, ang pagkalaspag ng mga artista, mga sumisilip sa kamera, at iba pang kakaning-itik na umaasa sa bawat rolyo ng pelikula para mabuhay.

Saan na nga kaya tayo patungo, Pilipinas kong mahal?

Wednesday, August 29, 2007

Okay na Marimar si Marian Rivera; ang pagbabalik ng Pulis Pangkalawakan sa telebisyon


Hindi rin ako mapakali kapag hindi ko napapanood ang Mari Mar na pinagbibidahan ni Marian Rivera García at ni Dingdong Dantes. Talaga nga namang nabigyang-hustisya ng Filipina-Española actress na si Marian ang papel na ginampanan ng minahal din ng mga Pilipinong si Thalia (Ariadna Sodi Miranda).

Umiinit ang mga tagpo sa top-rating na soap opera na ito. Ang pagseselos ng matandang Santibañez na si Renato (Richard Gomez) sa batang Santibañez (Dingdong Dantes) dahil na rin sa kamalditahan ni Angelica (Katrina Halili).

Nakatutuwa ang paggampan ni Manilyn Reynes sa papel na Corazon, na madalas gayahin noon ni Michael V., na ang boses naman, ginamit para bigyang buhay ang karakter ng asong kaibigan ng lahat na si Fulgoso. Siyempre pa, si Perfecta (Mel Kimura) na kuhang-kuha ang timpla ng kanyang karakter.

Nakatitiyak tayong marami pang magaganap na makagpapagalit, makapagpapatawa, at makapagpapa-iyak sa ating lahat sa kuwento ng buhay ni Mari Mar.

***

Ipinakita na ang sneak preview ng Shaider, ang Pulis Pangkalawakan na kinalokohan ng mga bata at nasa early teens, because of Annie (Naomi Morinaga). Siyempre pa, iyong bidang lalaki na si Hiroshi Tsuburaya, na namatay sa kanser sa atay, ilang taon na rin ang nakararaan. Nasa 40 anyos siya nang pumanaw, samantalang si Naomi, matapos ang karera bilang mainstream star, naging paborito siyang aktres sa mga pelikulang XXX o porno sa Japan.

Kung hindi tayo nagkakamali, tayo ang unang nakapagpaputok ng isyu ng muling pagbuhay sa Japanese sci-fi action series na ito. Kaso nga lamang, hindi naman naisitsit sa atin ng ating impormante kung sinu-sino ang gaganap sa fantaseryeng ito ng Siyete.

Iniba ng Siyete ang titulo ng palabas. Mula sa tunay na pamagat nitong Shaider, naging Pulis Pangkalawakan (Descendants of Shaider). Pero, ayon sa mga source, hindi pa ito ang final title nito.

Sa press release na nakita natin somewhere, sinasabing kasama sa naturang palabas sina Dennis Trillo, Marky Cielo, at Raymart Santiago. Kasama rin diumano sa cast sina Diana Zubiri, ang anak ni Fernando Poe Jr. (S.L.N.), na si Lovi Poe, si Dion Ignacio, LJ Reyes, Iwa Moto, Arci Muñoz, Vaness del Moral, Aljur Abrenica, Kris Bernal na pawang produkto ng reality star search na Star Struck; Ian de Leon; Paolo Ballesteros; Karel Marquez; at si Jay Manalo ang gaganap na pangunahing kontrabida.

Sina Iwa, Arci, Vaness at LJ ang gaganap na mga Amazona o makakalaban din ng pangkat ni Shaider.

Si Dominic Zapata naman ang magiging direktor ng palabas.

***

May mga miron namang nananalangin na sana, huwag mabastardo o mababoy ang istorya ng palabas na minahal ng madla. Kasi naman, ayon sa ilang palamasid, nababoy nang husto ang mga original stories na Bakekang, Mga Mata ni Anghelita at Darna. Tsk-tsk-tsk! Napaka-bayolente naman ng reaksiyon ng miron! Kunsabagay, talagang gusto kasi nilang masaksihan ang makinis na istorya, kahit bahagyang binago, sa muling pagbuhay sa mga ganitong palabas.

Kung ako man, nagkaroon din ng pag-aalinlangan dahil karamihan sa mga palabas na buhat sa isang umiiral nang istorya ng Siyete (huwag naman sanang magalit ang iba), ay talaga namang nakakadismaya. Ang ipinamarali nilang maganda, ayun, parang Chiquito movie ang lumabas. Walang kuwenta, in other words.

Dapat na kung kukuhanin ang isang istorya para muling ipalabas, dapat na ang modipikasyon nito, gawin nang maingat para mapanatili ang lasa at tekstura ng istorya. Dapat na isaisip ng mga manunulat at maging ng direktor na hindi bobo at walang estetikal na pagpapahalaga ang kanilang manonood. Marami kasi ang nag-iisip ng ganyan. Sa totoo lamang, ang masa ang lumilikha ng kasaysayan ng lipunan kung kaya, dapat igalang ang kanilang huwisyo at hindi sila gawing parang robot na tatanggapin kung ano ang gusto ninyong ibigay at lulunukin kung ano ang gusto ninyong ipalamon sa kanila.

Tumataas ang kamulatan at umiigi ang panlasa ng masa. Ibigay naman natin ang kung ano dapat sa kanila. Dahil kapag masa ang nagpasya, kahit ang dambuhalang mga kompanya, kaya nilang palugihin at ibalik sa basura. (
Shaider played by Hiroshi Tsuburaya; in-set Naomi Morinaga as Annie, his partner and love interest)

Michelle, Ogie, at Regine

Hindi man natin napanood ang naging live phone patch kay Michelle van Eimeren, ang dating Ms. Australia at kalaunan, naging ginang at ina ng mga anak ni Ogie Alcasid, nalalaman natin na kahit papaano—sa itinakbo ng mga pangyayari—napakaraming pinagdaanang sakit ng loob ang dating beauty queen. Gayunman, gaya nang matandang kasabihan, napaghihilom din ng panahon ang mga sugat sa puso at kaluluwa.

Kasalukuyang nasa Australia na ngayon si Michelle kasama ang kanyang mga naging supling kay Ogie. Sa ika-40 na kaarawan ni Ogie, nabigyan ng pagkakataon na ibukas ni Michelle sa publiko ang tunay niyang nararamdaman ngayong sina Ogie at Regine Velasquez na ang nagmamahalan; maituturing na bahagi na lamang ng isang magandang kahapon si Ms. Australia na minahal din ng publiko dahil sa kanyang ganda, taglay na kabaitan, at ningning sa ilang pelikulang komedya na pinagtambalan nilang mag-asawa.


Sa phone patch, sinabi ni Michelle sa publiko na sa kabila ng lahat, itinuturing niyang kapamilya si Regine. Binigyang-diin ng dating kabiyak ni Ogie na kailangang tanggapin ng mga tao, ng publiko, ang kasalukuyang reyalidad na wala sila ni Ogie at ang matamis na pagmamahalan nila noon—tuluyan nang naglaho at ang kanilang naging mga pangako, gaya ng usok ay napawi na rin sa hangin.


"Siyempre, may nangyari between Ogie and myself, hindi puwedeng ayusin ‘yon, e. Pero naiintindihan ko naman na lahat ng mga tao, kailangan tanggap(in) ang (nagaganap sa) buhay nila, okay?” sabi ni Michelle, pagtukoy sa mapait na pinagdadaanan ng isang mag-asawang naghihiwalay ng landas.


Dala ng katutubong kabaitan at maluwag na pagtanggap sa mga nangyari sa relasyon nila ni Ogie, ipinakiusap ng magandang Australiana sa publiko na tanggapin si Regine bilang bagong pag-ibig ni Ogie, gaya rin naman ng naging pagtanggap sa kanya nang ibigin at maging bahagi rin siya ng buhay ni Ogie, mahigit isang dekada na rin ang nakararaan.


"For me, kung si Regine ang mahal niya [Ogie], ako rin tanggapin niya. Parang sister ko ‘yon [Regine], so please tanggapin mo siya. Huwag mo siyang bigyan ng hard time. Mabait ‘yon [Regine], mabait siya sa akin, sa mga anak ko. Pag dating siya dito [Australia], lagi kaming masaya," paliwanag ni Michelle, dama mo ang pangungumbinsi, pagmamahal at katapatan sa bawat inusal na salita. Dito, sa puntong ito, napaluha ang mang-aawit, ayon sa mga ulat na nakarating sa Direct to the Point.

Ayon naman kay Regine, hindi rin naman siya nagkulang kung sa pakikipag-usap din lamang sa dating kabiyak ng kanyang iniibig ngayon. Binigyang-diin ni Regine na nagkaroon sila ng magandang pag-uusap ng dating beauty queen at napanatili ang tamis ng kanilang pagkakaibigan, bagay na sinuhayan naman ng pahayag ni Michelle:

"Alam mo, Regine, habang may buhay ako, may breath ako, welcome ka dito sa buhay ko, sa family ko. Kasi ikaw ang family ko. Mahal ka namin... Si Sarah at si Leila, they love you very much din," ani Michelle. Sa puntong ito, muling napaluha ang bagong pagibig ng Batangueñong si Ogie Alcasid.

Sa totoo lamang, marami pa rin ang hindi tanggap ang pagmamahalang Ogie at Regine. Gayunman, bahagi ng reyalidad ng showbiz at buhay ng tao na, sa bawat kasaysayan ng pag-ibig, hindi lahat ay natatapos sa “And they lived happily ever after.” Dahil, hindi tulad ng pelikula, ang buhay pag-ibig ng isang artista, halimbawa, ay maaring makulapulan ng sari-saring dumi na ang iba, hindi na magawang malinis pa kung kaya—sa dakong huli—mauuwi rin sa pagbasura sa dating tila diyamanteng pag-iibigan.

Nakakahon ang ating paniniwala na ang kasal, dahil may basbas (kuno) ng Diyos ay hindi dapat basta-basta mapawawalambisa ng sinuman. Ibinatay ito sa naging pangungusap ni Hesukristo, ang Sugo at Bugtong na Anak ng Diyos, sa pagsasabing “Kung sinuman ang pinagsama ng Diyos ay hindi [dapat] paghiwalayin ng tao.” Ngunit, kaipala, masasabing ang mga pananalitang ito ay hindi lubusang maikakapit sa mag-asawa na napakasal lamang dahil sa matinding bugso lamang ng damdamin—ng libog halimbawa. Dahil sa bandang huli, kapag nawala na ang init ng loob, unti-unti ring natutunaw ang mga larawan ng maganda at matamis na pagsasamahan.

Kailangang tanggapin na nga ng publiko na nagpapatuloy ang buhay, sa panig nina Regine at Ogie, at maging kay Michelle na pinaniniwalaan nating maligaya na sa kanyang sariling bansa at bayan.
At ang payo lamang natin, hindi dapat natin tingnan ang buhay na parang isang script na kontrolado natin ang lahat. Sapagkat ang buhay, parang ilong na patungong dagat, maaring diretso lamang, magsanga, o masagkaan ng mga bato at maging ng mga hadlang na likha mismo ng marupok na katangian ng tao. (Photo courtesy of Pep.ph)

Walang masama kung sumakay si Cookie sa public trasport

Napanood ng buong Pilipinas at maging ng buong mundo ang makabagbag-damdaming panayam kay Bb. Snooky Serna na umamin na may pagkakataong kinakapos sa pera, nawalan ng tirahan at napilitang makisilong sa isang nagmagandang-loob na kapitbahay, at may pagkakataong nakaisip na tanggapin na lamang ang iniaalok ng ilang nagnanasa sa kanyang alindog.

Naging pinakatampok pa sa balita hinggil sa aktres ang kanyang pagsakay-sakay sa public transport o sasakyang pampubliko gaya ng bus, dyipni, pedicab at tricycle, at gayundin sa MRT.

Inamin din ni Cookie (palayaw ng aktres) na mayroon siyang isang uri ng psychological disorder at kailangan niyang sumailalim sa panghabambuhay na medikasyon. Nakadama man ng pagkaawa sa mga anak, naging matatag si Snooky at ngayon, muling bumabangon at gustong muling magbalik sa industriya na kanyang nakagisnan—ang showbiz.

Nagmamakaamo si Cookie na sana, tanggapin siyang muli ng dating mga kasamahan at kung sinuman ang kanyang nakasamaang loob dahil sa kanyang sakit, buong-puso siyang humihingi ng tawad. Sa kabilang banda, pinabulaanan naman niya ang bintang na ang nangungunang dahilan ng pagkawala ng kanyang naipong salapi noong siya ay sikat na sikat na artista pa ay ang kanyang inang si Mila del Sol. Sugarol kasi, aminin man at sa hindi, si La Mila at maraming salapi rin ang naitapon niya sa pagka-casino. Casino ang pangunahing sugal na kinahuhumalingan ng mga may-kaya at yaon talagang labis ang yaman.


Born-again Christian na si Cookie at labis-labis ang pasasalamat niya sa Panginoong Diyos dahil ginising siya sa kanyang pagkakahimbing. Napagtanto ng aktres na hindi niya kayang mag-isa at kailangan niya ang tulong at gabay ng Panginoong Maylikha ng Lahat para mapanuto ang kanyang landas. Makikita naman ang pagbabago kay Cookie. Sa panayam sa kanya ni Bb. Pia Guanio (na salamat naman, mahusay na nadala ang buong panayam at hindi sumabit gaya nang nangyari noong una), lagi ang pagbanggit niya sa pangalan ng Panginoon.


Talaga namang walang makalalampas sa karunungan at kabaitan ng Panginoong Diyos. Kailangan lamang nating dinggin ang Kanyang pagtawag at pagtuktok sa ating mga pinto. Pagbuksan natin Siya at buong galak siyang makikisalo sa ating Hapunan, alalaong baga, sa ating buhay.

Sa pag-amin ng aktres sa kanyang mga kahinaan at pagkakamali, natuwa naman si Ricardo Cepeda, ang dating kabiyak at nagtiyagang umalalay kay Cookie noong sila pa. Nabanggit nga pala ni Cookie ang tungkol sa naging epekto ng kanyang pagkakasakit sa relasyon nila ni Richard (palayaw ng aktor).

Taliwas sa ilang espikulasyon na walang nalalaman si Ricardo sa nangyayari sa kanyang dating asawa, sinabi nito na nasusubaybayan niya—buung-buo at damang-dama pa nga niya—ang nagaganap sa buhay ng kanyang kabiyak.


Hinggil sa pinalaking isyu ng pagsakay-sakay ni Snooky sa pedicab, dyipni, MRT at maging sa iba pang uri ng pampublikong transportasyon, sinabi ni Ricardo na wala namang masama roon. Dahil kung siya mismo ang tatanungin, gagamit din siya ng public transport kung nagkataon wala siyang sariling sasakyan.

Kung titingnan nga naman, wala namang masama sa pagsakay sa gayong uri ng mga sasakyan. Bagaman mga bituin sila sa pinilakang-tabing at telebisyon, mga tao pa rin naman sila at may karapatan naman silang sumakay sa mga pampublikong sasakyan kung kailan nila ibig. Dahil ang mga ito, para sa lahat, para sa balana. Hindi ba, may nagpayo nga mula sa gobyerno noong panahong talagang taas-baba ang presyo ng mga produktong petrolyo na sa halip gumamit ng sariling sasakyan eh, sumakay na lamang sa mga sasakyang pampubliko? Sa abang palagay, hindi na dapat ito ang naging tampok sa isyu hinggil sa buhay at pakikibaka ng aktres na si Snooky Serna.

"I admire her for doing that and it's her choice. Kung ako nga, kung choice kong mag-MRT, gagawin ko rin. It only means na she's just facing reality. Ito ang tunay na buhay, tapos na 'yung dati, e. Harapin na natin ang buhay ngayon,” sabi ni Ricardo sa isang interview niya sa isang online showbiz magazine.


Sa punto naman ng pagsuporta sa mag-iina, sinabi ni Ricardo na hindi naman siya nagkukulang lalung-lalo na sa kanyang dalawang anak na sina Samantha at Sachi. Maganda naman ang takbo ng pag-aaral ng dalawang bata at madalas naman niya itong nadadalaw. Kaya nga, ayon sa aktor, hindi sila nagkaroon ng kaso sa alinmang korte sa bansa para sa pangangalaga sa dalawang bata dahil maayos naman silang naasikaso ng kanilang ina.

Natuwa rin ang aktor sa balitang gusto na rin ni Snooky na magbalik-telebisyon at pelikula at, sa katunayan, may mga inaalok na rin sa kanyang mga proyekto na sa tingin ni Ricardo, magandang simula para sa kanyang asawa.


"Mahusay na artista si Cookie and sayang naman if it all goes to waste. I heard nga na may mga offers na sa kanya and that's good. Kahit naman hindi sa showbiz, sa corporate world naman may mga gustong kumuha kay Cookie.”

"Nasa kanya naman ‘yon kung susubukan niya at pagtitiyagaan niya. But I'm still here for her no matter what kasi we have kids at mahal namin ang mga bata," dagdag pa ni Ricardo.

Iza Calzado, pride of the Philippines

Mukhang sinusuwerte ngayon si Iza Calzado dahil bukod sa kanyang Hollywood stint bilang original cast ng “The Echo”, ang remake ng horror film ni Yam Laranas na “Sigaw” na pinagbidahan ng dating loveteam na sina Angel Locsin at Richard Gutierrez, makakapareha rin niya sa pelikula si Ken Zhou ng pamosong grupong F4 ng Taiwan.

Sa Batanes ang lokasyon ng pelikula kung kaya matapos ang kanyang shooting sa Hollywood , diretso na ang magandang aktres at commercial model na ngayon sa Batanes para damahin ang lugar. Nabasa na ni Ken at ni Iza ang script at ang aabangan na lamang, kung paano nila iaarte ang kani-kanilang karakter.

Love triangle ang drama ng naturang pelikula at sinasabing talagang makapagpapakilig sa mga manonood ang naturang pelikula.

Hindi lamang sa pelikula umaariba ang karera ni Iza sa aktres kundi maging sa telebisyon. Napakahusay ng kanyang pagganap bilang naghihiganting Lara sa Impostora na gumaganda na ngayon ang mga eksena.

Kabi-kabila rin ang kanyang commercial or advertisement sa telebisyon. Bukod sa isang brand ng alak, isang sikat na brand ng youghurt na likha ng isang malaking kompanya ng gatas at iba pang produkto ang kanyang iniendorso.
Sana ay magtuluy-tuloy ang suwerte ni Bb. Iza Calzado.

Monday, August 20, 2007

Kung bakit naghihingalo ang pelikulang Pinoy

Kumbaga sa pasyente, buto’t balat na ang industriya ng pelikulang Pilipino. Dapat sana, ang gobyerno ang sentrong pagamutang dapat nangangalaga dito. Pero tila ito pa ang pumapatay sa agaw-buhay.

Kadalasan, isinisisi sa pagdagsa ng pelikulang dayuhan at pamimirata ang unti-unting pagkamatay ng industriya ng pelikulang Pilipino. Ngunit ayon sa Film Academy of the Philippines (FAP), hindi ang mga ito, kundi ang patung-patong na buwis na ipinapataw sa pelikula, ang pangunahing salarin.

Sa tinaguriang “Gintong Panahon ng Pelikulang Pilipino” (bago ang 1996), hindi bumaba sa 250 pelikula ang nalilikha ng mga lokal na prodyuser taun-taon.

Ayon kay Leo Martinez, direktor-heneral ng FAP, simula nang ipataw ang sangkatutak na buwis, dumausdos nang husto ang bilang ng nalilikhang pelikula sa bansa. Ang pelikulang Pilipino ay nilamon na ng pelikulang dayuhan.

Buwis, buwis -- buwisit
Amusement tax ang buwis na ipinapataw sa bawat pisong benta ng tiket sa sinehan. Dalawampu't tatlong porsiyento ang napupunta sa lokal na gobyerno, samantalang ang 12% VAT (value-added tax) ay sa pambansang gobyerno. Iba pa ang mga buwis sa paggawa, pag-e-edit at pagsasalin ng pelikula sa format na maaaring ipalabas sa sinehan.

"Mas mabuti pa ang sugal eh, 10% lamang ang buwis," sabi ni Martinez sa pulong-balitaan ukol sa roadmapping o pagmamapa ng industriya ng pelikulang lokal.

"Dahil sa taas ng buwis, natatakot na ang mga gumagawa ng pelikula na magprodyus dahil kaunti lamang ang kinikita," sabi naman ni Carlitos Siguion-Reyna, isa sa mga opisyal ng Directors Guild of the Philippines, Inc. o DGPI. Sangkatlo lamang ng 100 pisong halaga ng tiket ang napupunta sa mga prodyuser. Kakarampot din ang napupuntang kita sa mga may-ari ng sinehan, sakaling mag-flop ang pelikula, ayon kay Siguion-Reyna.

"Ang totoo, tayo lamang ang may amusement tax na, may VAT pa na ipinapataw sa pelikula. Samantalang 90% ng mga bansa sa mundo na may batas ukol sa amusement tax ay hindi na nagpapataw ng VAT," aniya pa.

Dahil walang lokal na pelikula, napipilitan ang mga sinehan na umangkat sa ibang bansa. "Wala naman kasi kaming maipalabas na gawa dito," pag-amin ni Dominic Du, opisyal ng Cinema Bookers Group, organisasyong namamahala sa booking ng pelikula sa mga sinehan.

Sinasabi ng FDCP (Film Development Council of the Philippines) na may 40% na paglago sa kabuuang kita ng mga pelikulang lokal noong 2006 (mula P1.025 Bilyon noong 2005 tungong P1.437-B). Pero kapuna-punang hindi pa rin natumbasan ng bilang ng mga pelikulang Pilipino ang pelikulang dayuhan na ipinalabas sa nabanggit na taon.

Alisin ang mga pahirap
Mula 2005, nakatengga ang panukalang pababain ang buwis sa pelikula sa kabila ng pagkakahirang kay Vicente del Rosario Jr., may-ari ng Viva Entertainment, bilang Presidential Consultant on Entertainment Industry.

Sa ika-13 Kongreso, inihain ni Quezon Rep. Erin Tañada ang House Bill 4966, at nina Sen. Ramon "Bong" Revilla Jr., Jinggoy Estrada at Manuel Lapid ang Senate Bill 2158 na nag-aamyenda sa Local Government Code para tuluyang pawiin ang napakalaking buwis na ipinapataw sa pelikula.

Maaprubahan na sana ang batas pero sa hindi malamang dahilan, ayon kay Martinez, hinarang ito mismo ng FDCP. "Baka dahil bababa ang kita nila (ng gobyerno) mula sa buwis," aniya. Muling inihain ni Tañada ang panukalang batas sa ika-14 na Kongreso at umaasang maaaprubahan ito sa lalong madaling panahon.

Aminado naman sina Martinez, Siguion-Reyna at maging ang tagapangulo ng Independent Filmmakers Cooperative na si Emman dela Cruz, na puspusan ang kinakailangang pakikipag-usap sa lokal na mga opisyal ng gobyerno para kumbinsihin silang umayon sa panukalang batas.

Bukod sa buwis, anila, dapat ding lutasin ang kakapusan sa makinarya at kagamitan sa industriya ng pelikulang Pinoy para makaya nitong makipagsabayan sa mga pelikulang dayuhan.

Samantala, dahil milyun-milyong kita ng gobyerno ang nanganganib na mawala kung seryosong gagamutin ang naghihingalong industriya, pinaparalisa maging ang mga mapagkaibigang doktor na tumitingin sa pasyente. Kung sinuman ang kontrabida sa makabagbag-damdaming istorya ng pinilakang tabing sa Pilipinas, ito ang dapat mawala sa landas ng bida.

Monday, August 13, 2007

Angel Locsin revelations

Aminado ang magandang aktres na si Angel Locsin na sumugal siya sa paglipat niya sa Dos. Naging prized jewel siya noon ng Siyete and whenever Angel Locsin is being talked about, the people always identifies her as Alwina of Mulawin and Gabriela of Asian Treasure, both top rating shows of GMA-7.

Sa naging interview sa kanya ni kasamang Boy Abunda sa The Buzz, sinagot ng dalaga ang mga banat sa kanya ng ilan sa kanyang mga detractors. Sinabi niyang hindi niya ikahihiya sakalimang totoong katulong ang kanyang ina, na hindi siya ang babaing nakitang nakikipagtalik sa isang Hapones sa kumakalat ngayong sex video (na balak talaga nating panoorin para makita natin kung totoo nga o hindi; pero let us be enlightened that we are viewing the video for pure verification purposes - nothing more, nothing less); na wala siyang utang na loob sa dating istasyong pinaglingkuran din niya nang mahaba-haba ring panahon at sinabi niyang magalang silang nagpaalam ng kanyang manager na si Becky Aguila sa mga big boss ng Siyete; at mahal na mahal niya ang mga taong nagpasikat sa kanya, tumulong sa kanya noong bago pa lamang siyang pinalulutang ng Siyete bilang lehitimong aktres at nakikiusap siyang huwag naman sanang idamay ang kanyang pamilya sa kontrobersiyang likha ng kanyang naging desisyon na lumipat ng istasyong paglilingkuran.

She even told Boy Abunda that she loves Ali Sotto,Miko's mom,very much and she believes that Ms. Sotto is not thinking something bad about her. All the time, the love of Angel for Miko is very evident because of that sweet feeling you can sense from her whenever she mentions Miko's name.

Though, on the other hand, Ali clarified, in her interview with Startalk, that she is no longer that close to Angel unlike when Miko died. Ali sounds disappointed because of some instances that Angel failed to greet her in special occasions like her birthday, Mother's day, Christmas, etc. Besides that, she reiterated the "loyalty" factor. According to Ali, show business is not like any other business or employment opportunity that if the offer is bigger than you are getting, you can resign and get that job that offers you a bigger salary.

"You know, I would have told her na magpaalam ka ng maayos because you cannot refute that, e. That GMA-7 made you the big star that you are. Walang argumento, I mean it's not arguable na may utang na loob siya. Because people say, you know, kahit na ikaw nagtatrabaho ka sa opisina pag inoperan ka ba ng triple ng sinasahod mo ngayon. lahat tayo lilipat sa kabila? Hind, e. It's not the same. It's not a perfect analogy because hindi kayo role model, you are not an influence to other people. Hindi ka tinitingala ng maraming tao na iniidolo ka."

"I would have advised her there's nothing wrong kung gusto mo lumipat, pero give this [GMA-7] network deserves the respect that you owe it. Give these people 'yung consideration, actually love that they have showered you," Ali said. Well, these comments were refuted by the aforementioned statements of Ms. Locsin.

But Ali clarified that she will still mother Angel whenever the lass is in need.

For this writer, I think that Angel must be given a chance to prove all her detractors wrong. We wish all the involve in this controversy, all the luck and peace. Sana matapos na ang intrigahang ito.






Thursday, August 9, 2007

Shaider bubuhayin din?

It's resurrection time. Parang mga patay na nabubuhay ngayon sa bakuran ng Siyete ang medyo nalimot nang mga palabas at mga istorya.

Nariyan ang "Kung Mahawi man ang Ulap", na isang pelikula; Lupin na isang Japanese anime na alam ko, ipinalabas din sa Siyete; Mga Mata ni Anghelita na drama sa radyo na isinapelikula noong araw; Marimar na ipinalalabas na ngayon, at heto nga, ayon sa ating source, Shaider naman daw ang muling ire-revive ng Siyete.

Kung matatandaan natin, ang Shaider ang palabas na kinalokohan ng mga kabataan noong huling bahagi ng dekada '80 hanggang maagang bahagi ng dekada '90, na kinatatampukan nina Alexis na siya ring Shaider at ang kanyang partner na si Annie. Naririyan ang mga kontrabidang sina Ida, Puma Ley-ar, at iba't ibang halimaw na iniitlog ni Puma Ley-ar sa kanyang bibig.

Wala tayong pagtutol sa pagbuhay ng mga istoryang matagal nang kinagiliwan ng madla. Ngunit wala na bang magawang bagong istorya ang creative department ng Siyete?

Kailangan ngayon ng madla ang mga palabas na makabuluhan at nagpapakita ng kanilang buhay at pakikibaka. Buhay at pakikibaka ba ang fantaseryeng Shaider? Imahinasyong Hapon ang pinaghalawan ng Shaider at sa abang palagay, hindi ito makatutulong para makilala ng Pilipino ang kanyang tunay na identidad na matagal nang pinalabo at pinalabnaw ng Kanluraning pag-iisip, paniniwala, at produkto.

Para sa akin, medyo off na ang walang kawawaang pagbuhay sa mga lumang istorya para panoorin ng masa.

Monday, August 6, 2007

Angel nanganganib nga bang mawalan ng career?

Isang miron ang nakapagsabi na talagang namemeligro ang karera ni Angel Locsin bilang artista dahil na rin sa kasuwapangan diumano ng kanyang manager na si Becky Aguila.

Ayon sa ating source, dahil sa wala namang totoong talent si Angel Locsin hindi gaya ng higanteng mga artista ng Dos na sina Claudine Barretto-Santiago at Judy Ann Santos, malamang na lamunin nang buung-buo si Angel at tuluyang matabunan ang kinang ng bituin ng dalaga.

“Angel’s career is just a struck of luck,” sabi ng ating ayaw na magpakilalang source. Naunang hinuhubog ng Siyete si Valerie Concepcion bilang kanilang nangungunang aktres nang mabuntis ito. Sa kasalukuyan, nasa Wowowee na si Valerie Concepcion, na isa ring alaga ni Becky Aguila.

“Hindi naman gaanong napapansin noon si Angel at kaya lamang siya nabigyan ng break sa Mulawin dahil sa ilang mga insidenteng nangyari sa buhay niya,” sabi pa ng ating source, pagtukoy sa pagkamatay ng kanyang nobyo na si Miko Sotto.

“Suwerte lang talaga si Angel na nag-click siya sa Mulawin… pero ang totoong humatak nang husto sa rating ng Siyete noon, ang Star Struck,” dagdag pa ng naturang miron. Ipinaliwanag niya na naunang umagat sa rating ang reality star search kaysa sa Mulawin.

“Hindi ba’t kasama naman si Mang Angel (ama ni Locsin) sa mga nakikipag-ayos sa proyekto ng kanyang anak?” sabi ko sa kausap. Maagap ang kanyang tugon: hindi naman lahat nalalaman ng ama ng aktres, laluna sa usapin ng talent fee at mga proyektong mag-aakyat ng limpak-limpak na salapi sa kabang-yaman ng manager nitong si Becky Aguila.

Isa sa mga nabanggit ng naturang nakausap natin na may niluluto sanang P68-Milyong halaga ng mga commercial endorsement sa dalaga ang GMA subalit nasansala nga ito dahil na rin sa pagnanasa ni Becky Aguila na madagdagan ang TF ng kanyang alaga. Paliwanag ng ating mapagkakatiwalaang source, si Becky ang hindi nasisiyahan sa tinatanggap ng kanyang alaga dahil kapag maliit nga naman ang TF ni Angel, maliit din ang kanyang nakukubra! Nakakagulat ang rebelasyon ng nakaututang-dila natin!

Pagpapatuloy pa niya, hindi na talaga natuto ang dalaga dahil alam na alam naman nitong ginagamit lamang siya ng kanyang manager. Kung hindi nga tayo nagkakamali, nagkaroon na noon si Angel ng problema kay Becky subalit, bandang huli, isinuko rin nito ang laban kontra sa kanyang manager at pinabayaan na nitong si Aguila ang magtimon o magpatakbo ng kanyang showbiz career.

Halong awa at inis ang nararamdaman ng ating nakausap kay Angel samantalang pinabubulaanan din ang ilang mga nasagap nating tsismis hinggil sa tunay na pinag-ugatan ng paglipat ng dalaga sa Dos.

“Alam mo, friend, ang manager ang siyang mapagpasya kung ano ang gagawin ng kanyang alaga. Gaya na lamang kay Angel. Iyong sinasabing sunud-sunod ang trabaho at halos wala nang pahinga ang dalaga, kagagawang lahat ng manager niya iyon. Dahil si Becky ang namamahala sa kanyang schedules.”

“Hindi rin totoo na tinanggihan ni Angel ang Mari Mar dahil unang-una, talagang ikinasa na nina Tita Yda (Henares) ang audition para sa role.

“Saka iyong tungkol sa 100 Sexiest Women ng FHM, na sinasabing dapat siya ang mananalo subalit tinanggihan niya, hindi rin totoo iyon dahil external o magkaiba naman ang entity ng Summit at GMA. Hindi maaring manipulahin ng GMA ang resulta at gayundin naman, nanalo si Katrina Halili, dahil sa text vote. Paano ngayon masasabing dapat si Angel ang nanalo at tinanggihan niya ‘yon dahil sa ideological stance? (Pagtukoy ng ating source sa pagiging supporter ni Angel ng grupong Gabriela).

“Besides, talagang si Katrina Halili rin naman ang gustong ipambatô (bet) ng GMA noong mga panahong ‘yon,” mahabang paliwanag ng ating source.

Tinanong din natin siya tungkol kay Jennilyn Mercado, hinggil sa sinasabing gustong i-freeze ng dambuhalang network ang career nito bunga ng alitan nina Becky at ng mga ‘higher authorities’, alalaong baga, ang management ng Siyete, sinabi ng ating source na hindi totoo ito.

“May existing contract pa rin naman kasi si Jennilyn at may mga proyekto pa ang network para sa kanya,” aniya pa.

“Ipagdasal na lang talaga natin na ‘wag mawalan ng career si Angel dahil sa ginagawa ng kanyang manager,” empathic ang pagkakasabi niya ng mga katagang ito.

Saturday, July 21, 2007

Welcome to our new home, mga kaututang dila!

Hello, mga giliw kong mambabasa at katsikahan! Welcome to our new home! Huwag kayong mahiyang magkomento, huh? Para malaman natin kung ano ang iniisip ninyo sa inyong kinagigiliwang artista, mang-aawit, pintor at iba pang alagad ng sining.

Wait for movie, book and movie reviews here and of course, the latest projects of your favorite Filipino and foreign actors. O di ba bongga?

Huwag kahiyaang pindutin ang mga mapakikinabangang mga links! We will try to search and connect you to fan sites of your favorite stars.

Wait also for exclusive interviews, pod cast, and photos that will be posted or published here. All original of course!

O siya, huwag nang magpatumpik-tumpik pa! Walang paliguy-ligoy mga kapatid! Lahat ng pag-uusap, kailangan, direct to the point!