Monday, September 10, 2007

Kanino nga ba dapat maglingkod ang sektor pangkultura?

AYON sa dakilang lider Tsino na si Mao Zedong walang "sining na para sa sining lamang." Sa kanyang pamosong lektura sa probinsiya ng Yenan (mas kilala bilang Yenan Forum), mariin ang naging pagbatikos ni Mao sa aniya'y kulturang ipinalalaganap ng burgesya at panginoong maylupa; binubulok nito ang utak ng sambayanan at nililinlang para hindi mag-aklas at baguhin ang kanilang kalagayan.

Sa kaganapan ngayon sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), kanino nga ba talaga nakatalaga ang katapatan ng naturang komisyon: sa masa o sa mga nasa poder na mula sa kinamumuhiang uri (class) ng lider rebolusyonaryong si Mao at maging ng mga progresibo dito sa Pilipinas.

Hindi mahirap sagutin, sa punto-de-vista ng isang palasuri at matalas mag-isip, ang katanungang umuukilkil ngayon sa isip ng masa. Dalawa ang katauhan ni Gng. (Cecille) Alvarez ngayon: direktor ng ahensiyang dapat ay nakakiling sa pambansang interes at bilang tagapayo ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo sa usaping pangkultura.

Sa dinami-dami ng batikos na natatanggap ng pangulo mula sa iba't ibang sektor ng lipunang ito, hindi malayong makulapulan ng dumi ang mukha ng NCCA na pinamamahalaan ngayon ni Gng. Alvarez. Sana nga lamang, masagot niya ang mga akusasyon nang maayos at mapatunayan niyang siya ay para talaga sa masa at hindi lamang para kay Gng. Arroyo. Dahil sabi nga ni Mao Zedong, dapat sa masa maglingkod ang kultura.

Dapat panatilihin ang makamasang oryentasyon ng NCCA

Gaano katotoo na ginastos mismo ni Presidente ang pondo ng NCCA para sa kanyang mga kandidato noong eleksiyong 2007?

MATINDI ang batikos na natatanggap ngayon ni Cecille Guidote-Alvarez, ang direktor-ehekutibo ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) mula mismo sa mga alagad ng sining.

Sa isang imbitasyon na ipinadala sa atin ng mga kaibigan mula sa Concerned Artists of the Philippines (CAP), na nilagdaan ng secretary-general nitong si Director Soc Jose, binabatikos ng makabayang mga artista ang postura ngayon ng NCCA bilang instrumento ng administrasyon para magkamal ng pondo para sa mga alipores nito.

Ayon sa naturang liham, kailangang matanggal si Guidote-Alvarez bilang direktor ng NCCA dahil tanging ang interes lamang ng nasa poder ang pinaglilingkuran nito. Hindi malayo dahil si Guidote-Alvarez din ay naglilingkod bilang tagapayong pangkultura ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo.

Noon pa man, pinaghihinalaan na ang NCCA bilang isang "palamuting" ahensiya ng gobyerno. Nilikha ito hindi para itaguyod ang makabayan, siyentipiko, at maka-masang kultura bagkus, nagagamit pa ito para palaganapin ang burgis at dekadenteng kultura ng sistemang kapital.

Hindi pa natin nakakausap sina Director Jose, ni si Gng. Guidote-Alvarez pero sisikapin nating matalakay ito nang malaliman sa kolumn na ito...

Pavarotti's gone, Angel seems to be happy with ABS-CBN 2

I felt sad when I heard in the news that Luciano Pavarotti, our well-loved tenor has died in his hometown in Italy. He died at the age 72. Although he's gone, he will remain in us... forever.

***

Mukha namang masaya ngayon si Angel Locsin sa kanyang bagong tahanan sa ABS-CBN 2. I was watching the television in my favorite carinderia while eating my lunch. Maganda naman ang pagtanggap ng mga taga-Dos sa kanya. Dahil kung hindi, maaring nakarinig na tayo ng mga hindi magagandang balita mula sa ating bubuwit sa bakuran ng Dos.

***

Dahil tahimik na ang lahat, maalis na kaya ang duming naikulapol sa pangalan ni Angel. I am talking about that video na pinagpipistahan ngayon ng mga manyakis sa kanikanilang tahanan matapos na mabili ang DVD sa halagang P150 o baka nga mas mura pa.

Nag-react ang ating katotong si Teo Marasigan, isang komentarista, at sinabing talagang total demolition job ang ginamit ng Siyete para lamang ipakita ang galit ng mga bigwigs nito kay Angel dahil sa hindi nito pagre-renew ng kanyang kontrata.

Well, sana nga ay matapos na ang lahat. Pero iyon nga lang, the damage has been done. Kawawa naman ang artistang iyon na sinasabing Thai, na pinagpaparausan ngayon ng mga manyakis, hindi lamang dito sa Maynila kundi maging sa mga karatig probinsiya—sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Wednesday, September 5, 2007

Marian reyna na ng primetime

Mukhang talagang napakaepektibo ng pagganap ni Marian Rivera bilang Marimar dahil talagang todo ang suporta ng mga manonood sa kanilang dalawa ni Dingdong Dantes. Noong una, nakulapulan ng intriga ang pagtatambal nilang ito dahil may mga usap-usapang kung todo ang romansa ng dalawang artista sa kanilang teleseryeng “Mari Mar”, todo rin ang paglarga ng selos sa katawan ni Karylle, ang magandang anak ni Zsa-Zsa Padilla. Natatandaan natin na todo-tanggi naman sa isyu si Dingdong at sinabing maayos naman ang kanilang pagsasama ni Karylle sa kabila ng intrigang nagkakalabuan na silang dalawa.

***
Queen of Primetime TV ang taguri ngayon kay Marian Rivera. Totoo ngang nabigyang katuturan ni Marian, na isa ring Espanyola, ang karakter na pinasikat ni Ariadna Sodi Miranda o mas kilala bilang Thalia. Angkup na angkop para sa dalaga ang papel na inosente at lunod sa pagmamahal kay Sergio.

Nakakagulat din ang pagganap ni Nadine Samonte bilang Inocencia, ang pinsang-buo ng kontrabida sa buhay ni Mari Mar na si Angelica (na binuhay naman nang husto ng magandang si Katrina Halili). Epektibo ang paggganap ni Nadine sa isang probinsiyanang walang alam at dahil sa pangangailangan, kapit-sa-patalim na tumatalima sa kanyang pinsang si Angelica. Kung hindi kasi, maaring mamatay ang kanyang inang maysakit.

Nakakatuwa rin ang pagganap ni Manilyn Reynes sa pinakapaborito kong karakter sa Mari Mar na si Corazon. Lutang na lutang ang kanyang pagiging aktres at komedyana sa bawat galaw at pagsasalita niya bilang si Corazon. Medyo nabago lamang ang karakter ni Corazon dahil puntong-Cebu ang gamit ni Manilyn sa kanyang pagsasalita samantalang malaki at malalim ang boses na ginamit noon sa pagda-dub sa mga linya ni Corazon sa orihinal na Mari Mar series sa RPN 9.

Buhay na buhay din kina Caridad Sanchez at Leo Martinez ang pagkatao ng mga abuwelo ni Mari Mar. Nakakaaliw ang dalawang matanda. Napatunayan na talagang napakahusay ng dalawang artistang ito na maituturing nang haligi ng industriya ng pelikula at telebisyon.

***
Mukhang talagang napakaraming iniluluto ang Siyete para ihain sa kanilang mga manonood. Paulit-ulit na ang pag-eere ng mga teaser ng kanilang mga bagong programa at maging ang mga pagtatapos ng kanilang mga programang “Mga Mata ni Anghelita” at iba pa.

May bago ring mga game shows at reality TV shows na ihahain din ang Siyete na tiyak namang kagigiliwan ng mga Kapuso. Kabilang dito ang remake ng Shaider na naging Zaido; ang nobela sa komiks ni direk Carlo J. Caparas na “Kamandag” at Joaquin Bordado. Hindi na natin nahabol pa ang pangalan ng iba pang mga programang ihahain sa atin ng Kapuso network.

Gayunman, kapuna-puna ang reklamo ng ilan sa teleserye na “Mga Mata ni Anghelita” dahil lumilitaw na isa itong halu-halong kalamay na palabas. Halu-halong kalamay dahil lahat na lamang ng malignong maaring ilitaw at likhain sa isip, ipinasok sa teleserye. At lahat siyempre ito, gustong patayin o puksain si Anghelita na simbolo ng kabutihan.

Nakagugulat kasi na si Anghelita pala ay mula sa lahi ng mga puting mangkukulam na sa orihinal na kuwento yata ay wala. Biruin mo, si Celia Rodriguez ay Reyna ng mga Puting Mangkukulam at siya ang pangunahing nagtuturo ngayon kay Anghelita ng paggamit ng taglay niyang kapangyarihan na noong una, kaloob sa kanya ng Mahal na Birheng Maria! Mukhang malayo yata sa hinagap na ang isang miracle worker na pinagkalooban ng naging Ina ni Kristo dito sa lupa na si Maria ng Nazareth ng kapangyarihan para manggamot at ng mga mata para makakita ay talaga naman palang may kapangyarihan at nasa punto pa ito ng kung tawagin sa esoterikong agham ay “earth magick”. Nakakaloka talaga, sabi ng isang miron na nakausap natin na numero uno ring Kapuso.

Hay naku! Talaga nga namang napakalawak ng imahinasyon ng isip ng tao. Subalit sana man lamang, medyo bigyang hustisya ang paggamit ng imahinasyon na iyan dahil kapag lumabis, disilusyon na ‘yan, mga ineng at mga utoy!

Monday, September 3, 2007

Baka manliit sila kapag kanilang malalaman…


Nagsalita na ang Movie and Television Review Classification Board (MTRCB) hinggil sa patutsadahan sa pagitan nina Willie Revillame, game show host ng kontrobersiyal na Wowowee at Joey de Leon ng Eat Bulaga. Isyu ng pandaraya sa isang palaro ng Wowowee ang pinagsimulan ng lahat. Nagparinig si de Leon. Sumagot naman, nagpapaawa sa madla, si Revillame.

Ani Revillame, masyado siyang pinipersonal ni de Leon na iniidolo pa naman niya. Matatag naman ang paninindigan ni de Leon: magpaliwanag muna si Revillame bago siya gumawa ng eksena. Pinarunggitan pa ng una ang huli: “At sa susunod, matuto kang umiyak nang may luha.”

Napakasimplistiko ng naging tugon ni Consoliza Laguardia, hepe ng MTRCB sa isyu: itigil na ang awayan at bumalik na ang dalawang aktor sa kanilang trabaho: ang magpaligaya ng mga tao sa pamamagitan ng kanikanilang programa.

Iba ang sipat ng Diret to the Point sa isyu. Hindi ito simpleng isyu lamang ng pandaraya para maibigay ang papremyo sa madlang nagkakandarapa sa pagpila para makuha ang papremyong pangako ng mga palaro, hindi lamang ng mga programang Wowowee ng Dos at Eat Bulaga! ng Siyete. Isyu ito ng karalitaang dinaranas ng humigit-kumulang 50 milyong Pilipino at isyu rin ito ng kabulukan ng kasalukuyang sistemang lumalamon sa bawat isang katulad nina de Leon at Revillame na pumuposturang pag-asa ng masa, may tunay na malasakit, gayong sila man—sa kanilang mga sarili—nalalaman nilang sila rin mismo nagagamit ng mga uring mapagsamantala para linlangin at paasahin ang taumbayan sa wala.

Katulad nang naganap na trahedya noong Pebrero 2006 sa Ultra sa anibersaryo ng Wowowee na napakarami ang nasawi, araw-araw, dinaragdagan ng mga programa nina Revillame at de Leon ang trahedya na dinaranas ng masa sa pang-araw-araw na buhay nila. Dahil sila rin mismo ay binulag ng kanilang kawanggawa (diumano), hindi rin nila makita ang tunay na ugat ng karalitaan ng sambayanang Pilipino na humahanap kahit panandaliang aliw—tila opyong pampamanhid ng utak—sa sarikulay na palabas ng kanilang programa.

Dahil sa bulag nga, hindi rin naman sila makakilos nang malaya, tali rin ang kanilang paa at kamay, tila mga papet ng uring ganid at salanggapang, hindi rin nila mapakilos ang sarili para kilalanin ang ugat ng karalitaang iyon at gayundin naman, hindi rin nila maakay ang mga tao para palayain ang kanilang kaisipan at katauhan sa ilusyon ng pag-asang hatid ng game show at mga palabas na sumasakay sa tsubibo ng mga sintetikong saya at kaakuhan.

Kung nalalaman lamang nila Revillame at de Leon ang kanilang papel sa umiiral na kalakaran, baka sila man mismo—laiitin ang kanilang mga sarili at baka manliit sila sa pag-uusig ng mga taong natutong magsuri at umiwas sa pag-asang dulot ng ampaw na mga pangako ng kanilang programa.

Batu-bato sa langit, ang tamaan, huwag magagalit. Direct to the point lamang po tayo.

Friday, August 31, 2007

Ang pelikula bilang black propaganda

o
HALOS nawala na sa isip ko ang tungkol sa inilabas na video laban sa Kilusang Mayo Uno (KMU). Isang oras na mahigit ang pelikula at kinatatampukan nina Bembol Roco at Hero Bautista bilang pangunahing mga artista.

Napanood ko ang pelikula. Tunay na nakamamangha ang galing ng camera work, maging ang editing. Ang musika, talagang lapat na lapat. Makinis din ang pagkakagawa ng script. Isa lamang ang kahulugan nito: hindi basta-basta at sapat ang kaalaman sa produksiyon ang gumawa ng pelikula.

Umani ng pagbatikos mula sa progresibong mga kritiko at artista ang naturang pelikulang pinamagatan lamang “Welga.”

Katulad ng panahon ng mga Amerikano, muling nagagamit ang pelikula para ipalaganap ang takot sa militansiya, sa mga militante, at maging sa mga organisasyong masa (mass organizations). At dahil sa umiiral na ang batas kontra-terorismo—ang Human Security Act of 2007—tinitingnan ng mga progresibo na ang paglabas ng pelikula, una noong Pandaigdigang Pagdiriwang ng Araw ng Paggawa noong Mayo1 at ang ikalawa, noong panahon ng State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, ay bahagi ng malawakang kilusang propaganda para pasamain ang imahen ng mga militante at tandisang isangkot sila sa kilusang komunista sa bansa.

Ang masakit, ang pagbabansag sa isang organisasyon na “legal” na prente ng Communist Party of the Philippines ay nagdudulot nang malaking panganib sa mga kasapi at lider nito. Kunsabagay, napakadali namang tumakas at ituro ang akusasyon kung kanino kapag mayroon na namang bumulagtang lider-obrero buhat sa hanay ng KMU, o maging sa iba pang unyon at pederasyon ng mga manggagawa na may kritikal na paninindigan hinggil sa pambansa at lokal na mga isyu.

Ayon nga kay Soc Jose, kilalang direktor at makabayang kritiko, ang pinakamasamang propaganda ay ang paggamit ng pelikula bilang porma ng propaganda para pasamain ang isang grupo o isang tao. Kaya nga, nanawagan siya sa mga aktor at direktor na huwag nilang pabayaan ang sarili na, sa kalansing ng barya o tunog ng malulutong na salapi, ay mapabihag sila at maging kasangkapan ng maiitim ang budhi para pasamain ang imahen gaya ng militanteng KMU.

Ngunit ang pinakamasaklap, hindi rin naman yata nalalaman ng mga artistang nagsiganap na ang kanilang pagganap ay maari ring dumulo, matapos na maipalaganap ang masamang propaganda laban sa kilusang paggawa na pangunahin ding naging pokus ng mga pelikula nina Lino Brocka at Ishmael Bernal, sa pagpaslang sa mga lider unyon at mga kasapi nito na magreresulta naman sa lalo pang karalitaan ng kanilang pamilya.

Nakakalungkot na dahil sa salat din sa pagmamahal at pagpapahalaga ang industriya ng pelikula, nagagawa nitong payapos—gaya ng isang babaing nagpuputa para lamang makaraos at maibsan ang pagkalam ng sikmura, kahit ang kapalit nito ay ang unti-unting pagkaagnas ng kanyang moral at pagkatao—sa mga taong masama ang balak sa kapwa tao.

Hindi na nakapagtataka, dahil mismong ang may hawak din naman ng pelikula sa kasalukuyan, ay hindi naman talaga nagmamahal sa sining ng pelikula bilang sining, kundi isang produktong kumikita. Kahit pa ang kapalit nito, ang pagkalaspag ng mga artista, mga sumisilip sa kamera, at iba pang kakaning-itik na umaasa sa bawat rolyo ng pelikula para mabuhay.

Saan na nga kaya tayo patungo, Pilipinas kong mahal?

Wednesday, August 29, 2007

Dyornalismo ba ang panulatang pampelikula?

Naging panauhin tayo sa programa nina Ka Kit Lagare at Ricky Lee sa DWAD 1098 kHz AM Radio sa segment na inilaan nila para sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), ang Usapang Media ng NUJP sa DWAD, kamaikailan.

Maganda ang tema na tatalakayin at tunay na malapit sa aking puso at siguro, malapit din sa puso ng ating editor na si Boy Villasanta: ang tungkol sa entertainment journalism, kung kaya pumayag tayo na makipagbalitaktakan nang halos 45 minuto sa ating anchor na sina Ka Kit at Inday Espina-Varona ng NUJP.

Nagamit natin nang husto ang nalaman natin mula sa libro ni Boy Villasanta na “Exposé: Peryodismong Pampelikula sa Pilipinas” at maging ang karanasan natin bilang peryodista sa loob ng limang taon. Unang tanong nila sa atin kung talaga bang masasabing lehitimong pamamahayag ang entertainment reporting o ang movie journalism at maging ang totoong kalagayan ng mga kapatid natin sa hanapbuhay.

Walang gatol na sinabi nating oo, at narinig ng buong Pilipinas ang sagot na iyon—live. Entertainment press is real press. Lahat ng sangkap ng umiiral na press sa Pilipinas, nasa movie writing din. Marami nga lamang lumalabag minsan sa Code of Ethics for Journalists at lubhang nagiging personal ang atake sa mga artistang isinusulat nila. At marami rin ang nahihirati na magsulat ng mga istoryang narinig lamang sa tabi-tabi at hindi na inaalam kung totoo man iyon o hindi. Kasi nga, katuwiran ng ilan nating kasamahan, “reliable” o mapagtitiwalaan ang kanilang mga sources.

Naitanong din nila sa atin kung anu-ano nga ba ang problemang kinakaharap ng industriya. Ang sabi natin, batay sa obserbasyon, security of tenure at professionalization of the entertainment media practice ang dalawang pangunahing kinakaharap ng industriya ng panulang pampelikula, bukod pa siyempre sa monopolyo ng imprenta ng mga publikasyong pang-showbiz.

Wala kasi tayong mabalitaan na talagang pondo o kahit man lamang insurance na mapakikinabangan ng ating mga kasamahan kapag sila ay nagretiro o biglaang nagkasakit. Karaniwan na kasing mababalitaan nating artista o mga kaibigan lamang ang nagbibigay ng tulong pinansiyal sa ating mga kapatid sa hanapbuhay na nagkakasakit o lubhang naghihirap. Tingnan ninyo si Kuya Boy de Guia, namumuhay na lamang sa loob ng isang home for the aged.

May nagsasabing “gaga” si Boy de Guia dahil nalustay niya, sabi ng iba, sa walang kapararakan ang kanyang naipon noon nang kasikatan niya bilang movie press. Subalit, hindi lamang si Boy de Guia ang naghirap matapos ang karera nila bilang movie scribe. Marami sila. Karamihan, ayon, napipilitan muling tumipa ng makinilya para kumain nang tatlong beses isang araw kahit medyo hirap na.

Ipinayo nga ni Manay Inday (Varona) na dapat eh, magbigkis ang mga taga-showbiz press para lumikha ng isang organisasyong magtataguyod sa kanilang kapakanan. Nandiyan naman ang Philippine Movie Press Club (PMPC) subalit mukhang nalimutan na rin ng samahan (batu-bato sa langit, ang tamaan, huwag magagalit, ang pikon ay laging talo!) ang ginintuang layunin nito na gawing propesyonal ang praktika ng movie writing or entertainment journalism dito sa Pilipinas.

Nasabi ko tuloy na medyo mahirap na mabigkis ang mga movie press dahil may kanya-kanya rin silang interes, lalo na iyong nagsusulat na, nagpi-PR pa sa mga artista.

Pero sa aba namang palagay, kaya pa namang iahon mula sa pagkabalaho ang ating panulatang pampelikula.