Wednesday, August 1, 2007

Angel Locsin at ang kanyang mga dahilan ng pag-alis

May nakapagsabi sa atin, ang pagtanggi ni Angel Locsin sa programang Marimar ang unang dahilan kung bakit tuluyang binitawan ng Siyete ang dalaga. Ayaw na kasi ng dalaga na ibuyangyang ang katawan niya at kailangan niyang magpaseksi nang todo para magampanan ang papel ni Marimar na pinagbidahan ni Ariadna Sodi Miranda (Thalia) noong dekada '90.

Sabi pa ng ating source, dapat si Angel ang tatanghaling 100 Sexiest Women ng FHM (Philippines) subalit tumanggi siya dahil sa mabubuyangyang sa entablado at pahina ng magasin ang kanyang katawan.

Noong una, ipinagtatanggol pa ng Siyete ang alagang si Angel nang magpasya itong magpahinga at mag-aral sa London ng crash-course sa designing. Gayunman, may sumingaw na mga balitang ang Dos na ang nagbigay ng pinansiyal na tulong sa dalaga at kapalit nito ang tuluyang paglilipat-bakod.

Bukod pa sa naturang insidente, may nakapag-tsismis din sa atin na isa rin sa mga itinuturong dahilan ng panlalamig ng dating "prized jewel" ng Siyete na si Bb. Locsin ay nang matuklasan nitong mas malaki ang tinanggap na TF (talent fee) ni Robin Padilla sa katatapos pa lamang na seryeng Asian Treasures. (Na ayon sa isang miron, nakapanlulumo ang naging wakas at hindi naabot nito ang mataas ng antas nang dapat maging wakas ng magastos at masasabi rin namang ambisyosong telenovela ng Siyete. Nagimbal kasi ang isa nating kaututang-dila na ang Asian Treaure pala ay totoong kayamanan - mga ginto, alahas, perlas, mga lumang gong, mga Golden Buddha at iba pa na kung titingnan nga naman, hindi na dapat pang pagbuwisan ng buhay.)

Gayunman, maraming nagsasabing hindi naman dapat ibunton lahat ang sisi kay Angel at dapat nating maunawaan na ang mundo ng showbiz ay parang hardin na ang mga paruparo ay nagpapalipat-lipat sa iba't ibang bulaklak para makasipsip ng saganang nektar o mas malaking TF. Marami namang nagsasabing hindi sapat na dahilan iyon para mag-inarte si Angel at tuluyang iwanan ang "nag-aruga" sa kanya at nagpasikat ng kung ilang taon.

Ngunit sa abang palagay, hindi dapat na tingnan ang paglipat ni Angel na simpleng isyu lamang ng paghahanap ng "greener pasture" o makapagbibigay sa kanya nang mas malaking TF kundi usapin din ito ng mga relasyon at kung paano ang relasyon, nagsisimulang matamis subalit sa kalaunan ay umaasim at pumapakla bunga ng hindi magagandang bagay na nangyari.

Patuloy pa nating inaalam kung alin ang tunay. May malinaw kasing interes ang bawat isang nakikisakay sa isyu at maging ang pinagmumulan ng mga isyu. Medyo mahaba-habang tanungan ito at paliwanagan. Pero kung direct to the point na usapan kung sino ang dapat na panigan - sa abang palagay iyong nagagamit nang husto para sa interes ng mas makapangyarihan sa kanya.

No comments: